Puwede bang ilipat ang empleyado sa malayong lugar?
Dear Attorney,
Puwede ko bang ilipat sa medyo malayong probinsiya ang empleyado para maging pansamantalang manager doon? Hindi ba ako masasampahan ng reklamo? — Ken
Dear Ken,
Sa ilalim ng ating batas ay may tinatawag na management prerogative ang mga employers. Ang management prerogative ay ang karapatan ng employer na mag-desisyon sa lahat ng aspeto ng kanyang negosyo upang epektibo niyang mapamahalaan at masigurado ang kapakanan nito.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa mga kaso ng Mendoza vs. Rural Bank of Lucban (G.R. No. 155421, July 7, 2004) at Benguet Electric Cooperative vs. Fianza (G.R. No. 158606, March 9, 2004), sakop ng management prerogative ang paglipat ng empleyado sa ibang lugar.
Hindi ito ilegal kung ang paglilipat ay walang kaakibat na demotion, hindi magdudulot ng kabawasan sa sahod o benepisyo ng empleyadong ililipat, at hindi ito ginagawa bilang diskriminasyon, parusa, o paraan upang mapilitang magbitiw ang empleyado.
Sa madaling sabi, ipinalipat dapat ang empleyado sa ibang lugar dahil kailangan talaga ito para sa ikabubuti ng negosyo.
Kaya kung ang dahilan ng iyong pagpapalipat sa empleyado ay tunay naman na para sa kapakanan at pangangailangan ng negosyo, wala akong nakikitang sapat na batayan upang ikaw ay masampahan ng reklamo bilang employer.
- Latest