‘Krusipiho’ (Part 4)
SABI ni Lolo Fernando, mula raw nang ukitin niya ang krusipiho ng nakapakong Kristo ay naging sunud-sunod na raw ang paggawa niya ng iba pang mga bagay gaya ng morion mask na in-demand kung Mahal na Araw. Marami raw ang umuorder sa kanya ng maskara ng morion.
Dahil sa talent niya sa pag-ukit ay kumikita siya nang malaki. Nakaipon daw siya ng pera at nakabili siya ng mga lupa. Hanggang sa magkapamilya siya at nagkaroon ng tatlong anak. Isa si Inay sa mga anak ni Lolo.
Mula raw nang lilukin niya ang krusipiho ay naging malapit sa kanya ang grasya. Hindi raw nakaranas ng hirap ang kanyang pamilya, ayon kay Lolo. Naging magaan ang buhay nila.
Sabi ni Lolo, may dalang suwerte ang krusipiho. Kaya lagi niya itong iniingatan. Kapag unang Biyernes ng buwan ay hindi niya nakalilimutang magsimba at suot niya ang krusipiho.
“May kapangyarihan ang krusipihong ito, Crispin. Bukod sa grasya na pinagkakaloob, mabisang proteksiyon sa kapahamakan,” sabi ni Lolo.
Ang huling sinabi ni Lolo ang nakagulat sa akin.
“Ipamamana ko ito sa’yo Crispin. Gusto ko lagi mo itong isuot,’’ sabi ni Lolo. (Itutuloy)
- Latest