Florcerfida (19)
“KAILAN ka ba uuwi, Makoy?’’ masayang tanong ni Kikoy. Ibinalita kasi ni Makoy na na-release na ang tseke ng separation pay at dadalhin na ni Makoy pag-uwi.
“Next month na Kikoy.”
“A okey. Aabangan kita Makoy. Ingat ka sa pag-uwi.”
“Sige Kikoy. Kapag nariyan na ako, tatawagan o iti-text kita.
“Okey Makoy.”
“Wala ka bang ipabibili?”
“Wala akong maisip Kikoy.”
“Dates gusto mo?”
“Sige, Makoy. Masarap ang dates d’yan!”
“Oo masarap ang dates dito. Pipiliin ko ang bagong harvest.”
“Sige Makoy.”
Natapos ang usapan nila ni Makoy.
Nakahinga nang maluwag si Kikoy sapagkat isang problema na niya ang nalutas. Hindi na siya magigipit sa pera sapagkat alam niya, malaki ang separation niya mula sa dating kompanya.
Kung hindi siya nagkakamali sa computation, more or less P2 million ang separation pay niya. Matagal din kasi siyang nagtrabaho sa kompanya—25 years! Bukod doon, malaki ang sahod niya—5,000 Riyals buwan-buwan!
Mas mabigat ang susunod niyang lutasin—kung totoo ang kutob ni Tatay Victor na pagkamatay ni Dong. At kakatulungin niya si Makoy sa paglutas sa kaso.
Ang problema, paano niya sisimulang sabihin kay Makoy ang tungkol sa “misteryosong” pagkamatay ni Dong.
Paano niya bubuksan ang topic na iyon na hindi magmumukhang nag-iimbestiga siya.
Nag-isip nang malalim si Kikoy. Paano kung wala namang “foul play” sa pagkamatay ni Dong?
Bahala na.
Basta magkakaroon siya ng pagsisiyasat sa pagkamatay ni Dong batay sa kutob ng ama nito.
Hindi niya hahayaan na basta ganun na lamang ang pagkamatay ni Dong. Nakapagbitiw na siya ng pangako kay Tatay Victor at gagawa siya ng paraan.
Palagay ni Kikoy, malaki ang maitutulong ni Makoy. (Itutuloy)
- Latest