‘Kutsara’ (Last Part)
SINAMAHAN ako nina Tatay at Nanay patungo sa lumang bahay ni Lola Nita. Maayos pa rin ang bahay dahil may tagalinis. Matibay ang bahay ni Lola dahil ang mga kahoy na ginamit ay narra.
Buung-buo pa rin ang hagdan at makintab pa. Ganundin ang sahig na table. Ang mga bintanang kapis ay hindi pa rin nasisira. Bago namatay si Lola, mahigpit na ipinagbilin sa mga anak na walang gagalawin o babaguhin sa istruktura ng bahay. Kung masisira ang bahagi ng bahay ay sikaping maibalik sa dati. Kaya walang nabago sa lumang bahay. Lahat nang gamit sa loob ay nanatiling naroon.
At kabilang doon ang antigong cabinet na kinalalagyan ng mga kutsara at iba pang mga gamit.
Nang buksan ko ang cabinet ay amoy kulob ang loob. Dahil siguro matagal bago nabuksan.
Sinunod ko ang payo ni Nanang Felisa. Nagsindi ako ng kandila. Naglatag ako sa sahig ng katsang puti. Nang maubos ang sindi ng kandila, inilabas ko ang mga kutsara at inilagay sa nakalatag na katsa. Isa-isa kong pinunasan ng malinis na basahan ang mga kutsara. Binuksan ko ang bintana para mahanginan at maarawan.
Makalipas ang may isang oras, maingat kong ibinalik sa cabinet ang mga kutsara at saka tahimik akong umusal ng dalangin para kay Lola: Lola patawarin mo ako sa hindi pagtupad sa pangako na aalagaan at lilinisin ang mga kutsara. Hindi na mauulit ang nangyari. Lagi ko nang aalagaan ang mga kutsara.
Pagkatapos mausal ang dalangin at pangako, tila may malamig na palad na dumampi sa noo ko.
KINABUKASAN, lumuwas na ako ng Maynila. Mula noon, wala na akong naranasan na mga bumagsak na kutsara sa sahig. Tinanggap ni Lola ang pagsosori ko. Mula rin noon, lagi ko nang nililinis ang mga kutsara ni Lola.
- Latest