‘Kutsara’ (Part 8)
ISANG cabinet na may mga lamang kutsara ang nabuong imahe sa planggana na pinatakan ng tulo ng kandila.
Bagama’t malabo ang imahe ay nakikita ko na maraming kutsara sa loob ng cabinet na antigo.
“Mayroon ka bang pinangakuan na aalagaan ang mga kutsara, Ineng?” tanong ni Nanang Felisa. “Kasi’y nakikita kong may pinangakuan ka at hindi mo natupad.”
Sumabad si Nanay. “Sino ba ang pinangakuan mo Anak? Isipin mo at nang matapos na ang mga hindi magandang nangyayari.
Pati kami ng Tatay mo ay nagugulumihanan.”
Nag-isip ako.
Pero wala akong matandaan. Walang pumasok sa isipan ko.
“Wala akong matandaan Nanay.”
“Isipin mong mabuti.”
Hanggang sa bigla kong maalala si Lola Nita. Tama! Si Lola Nita ang nagsabi sa akin na alagaan ko ang kanyang mga kutsara. Huwag ko raw pababayaan.
Nangako ako kay Lola Nita.
“Alam ko na po kung kanino ako nangako!” sabi ko.
“Kanino?” tanong ni Nanang Felisa.
“Si Lola Nita po. Bago po siya mamatay, sa akin niya ipinamana ang mga kutsara.
Alagaan ko raw. Pero hindi ko natupad dahil busy ako sa pag-aaral. Nasa isang antigong cabinet po ang mga kutsara.”
(Itutuloy)
- Latest