EDITORYAL — Dagdag dungis sa PNP
WALA nang kahihiyan ang karamihan sa mga pulis na lalong pinasasama ang imahe ng pambansang pulisya sa publiko. Hindi nila iniingatan ang organisasyon na ang pangunahing layunin ay “mapagsilbihan at maprotektahan” ang mamamayan. Dahil sa ginagawang mga kabulastugan darating ang panahon na wala nang magtitiwala sa kanila at lalo pang kamumuhian.
Nang maupong PNP chief si Gen. Rommel Marbil noong Abril 2024, nangako siya na magkakaroon ng internal cleansing sa organisasyon pero hindi nagkaroon ang pangako. Dahil walang ginawang paglilinis, dumami ang mga pulis na “pera-pera” ang lakad. Nasa serbisyo sila hindi para maglingkod kundi para makapangulimbat.
Gaya ng ginawa ng tatlong pulis-Caloocan na inaresto ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dahil sa reklamong pangingikil ng “visitation fees” sa mga pamilya ng detainees. Ayon sa mga pamilya ng detainees, sinisingil sila ng P1,500 bawat pagbisita. Nabawi ng IMEG sa tatlong pulis ang P4,000 na binayad ng mga pamilya. Nasa detention cell sa Camp Crame ang tatlong pulis na posibleng masibak sa puwesto.
Noong Abril 24, pitong pulis sa Parañaque ang inaresto ng mga kapwa pulis dahil sa pangingikil sa isang negosyanteng Chinese ng halagang P100,000. Pinara ng mga pulis ang sasakyan ng Chinese sa Macapagal Avenue at hiningi ang rehistro ng sasakyan. Ayon sa mga pulis, peke ang rehistro at isinama sa police station ang Chinese at hiningan ng P300,000 pero P100,00 lamang ang binigay. Nagsumbong ang Chinese sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at inaresto ang pitong pulis at sinampahan ng kasong robbery/extortion. Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Anthony A. Aberin, masisibak sa puwesto ang pitong pulis.
Noong Abril 21, isang lasing na pulis sa Quezon City ang inaresto ng kanyang mga kapwa pulis dahil sa pangha-harass, pang-aabuso at puwersahang pagpasok sa bahay ng tatlong residente sa Bgy. Damayang Lagi, Quezon City. Kinilala ang pulis na si S/Sgt. Colonel Jordan V. Marzan. Kinasuhan siya nang paglabag sa Republic Act 7610, two counts ng slight physical injury at grave threat. Sinibak na siya sa puwesto.
Sagad-sagad na ang ginagawang kasamaan ng mga pulis at tila malabo nang magbago. May mga matitino pa namang pulis pero natatakpan sila at nangingibabaw ang mga masasama. Ang aksyon ni Marbil para linisin ang pinamumunuang organisasyon ay nararapat na. Bago tuluyang magretiro, ipakita na mayroon siyang naputulan ng “pangil” at “sungay” na mga miyembro.
- Latest