‘Araro’ (Part 6)
TINAWAGAN ko ang aking tatlong kapatid na sina Romeo, Carlos at Jun. Ikinuwento ko ang aking napanaginipan na ninanakaw sa silong ng aming bahay sa probinsiya ang aming lumang araro.
“Palagay ko may pahiwatig kaya ko napanaginipan ang lumang araro ni Itay,” sabi ko.
“Anong pahiwatig Kuya?” tanong ni Romeo.
“Na hindi natin natutupad ang pinangako kay Itay na laging lilinisin ang araro. Baka hindi matahimik ang kaluluwa ni Itayt.”
“Oo nga Kuya Ronald,’’ sabat ni Carlos. “Narinig kong sinabi mo kay Itay noon na lagi mong pupunasan ng langis ang lipya ng araro para hindi kalawangin.”
“Oo Carlos, sinabi ko nga ‘yun kay Itay noong nakaratay siya. Pinangako ko. Pero dahil nga naging busy ako, hindi ko na nagawa ang pangako. At kaya nga siguro napanaginipan kong ninanakaw ang araro ay para ipaalala sa akin ang naipangako kay Itay. Talagang malinaw na malinaw ang panaginip ko na ninanakaw ang araro sa silong ng bahay.”
“Aba dapat pala talaga ay umuwi tayong apat sa probinsiya!” sabi ni Jun.
“Baka hindi nga matahimik si Itay. Mahal na mahal niya ang kanyang araro. Bihira na rin kasi ang may ganung araro.”
“Oo nga,” sabi ni Carlos.
“Umuwi tayong apat sa Sabado!” sabi ko.
“Sige Kuya, uwi tayo,” sabi ni Romeo.
Sumang-ayon si Carlos.
SABADO ng umaga. Umuwi kami. Sa aking bagumbagong van kami sumakay.
Kinakabahan ako habang palapit na kami sa aming lumang bahay.
Para bang may naghihintay sa aming pagdating. (Itutuloy)
- Latest