French athlete, nakapagtala ng Guinness World Record sa matagalang pagbabad sa ice bath!
NAKAPAGTALA ng world record si André Belibi Eloumou ng France para sa Guinness World Record title na “longest duration full body contact with ice (male)” matapos siyang manatili ng mahigit apat na oras sa isang ice bath.
Ginawa niya ang pagtatangkang ito sa Servus Calgary Marathon Runners’ Expo sa Canada bilang suporta sa Autism Canada. Ito ay kanyang alay sa anak na si Kira na nasa autism spectrum.
Sa kabila ng banta ng malakas na bagyo at kidlat, hindi natinag si André at itinuloy ang hamon na pinaghandaang mabuti sa loob ng halos apat na taon.
Bilang isang extreme athlete at mindset coach, sanay si André sa matinding pagsubok para sa makabuluhang layunin.
Noong 2020, tumakbo rin siya ng 4,500 kilometres sa buong U.S. para suportahan ang UNHCR, bilang pag-alala sa pinagdaanan ng kanyang ama mula Cameroon patungong France.
Para kay André, ang bawat hamon ay patunay na sa tamang disiplina at layunin, kayang lampasan ang anumang limitasyon.
- Latest