EDITORYAL — Kabiguan ng PNP sa loose firearms

SA taya ng Philippine National Police (PNP), may 3.7 milyon na baril sa Pilipinas at dalawang milyon dito ang kinukunsiderang loose. Ayon pa sa PNP, ang mga baril na expired ang lisensiya ay itinuturing na loose.
Kung mayroong dalawang milyon na loose firearms, hindi na kataka-taka kung nagagamit ang mga ito sa masamang aktibidad gaya ng pagpatay, panghoholddap at iba pang masasamang gawain.
Sa panahon ng election, ang pag-aari ng baril ay kinahuhumalingan ng mga pulitiko. Ang mga tatakbong governor, mayor at vice mayor, ay nagkukumahog sa pag-aari ng baril. Kailangan nila ang baril para mayroon silang proteksiyon.
Alam ng PNP kung gaano karami ang loose firearms pero ang nakadidismaya hindi nila alam kung paano sasamsamin ang mga ito. Bigo silang samsamin ang mga illegal na baril (lalo kung sa pulitiko) kaya naman dumami o lumobo ang krimen na may kaugnayan sa election.
Naghahatid ngayon ng pangamba ang sunud-sunod na pagpatay sa mga kandidato na parang bumabaril lamang ng manok. Habang papalapit ang May 12 election, pinangangambahan na madaragdagan pa ang mga nangyayaring pagpatay.
Sa report ng Philippine National Police (PNP), umabot na sa 26 ang mga naitalang karahasan sa election at 17 sa mga ito ay madugo o karumal-dumal. Naitala ang madudugong karahasan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cordillera Administrative Region (CAR), Zamboanga Peninsula, Ilocos Region, Davao Region at Soccsksargen.
Pinaka-latest na biktima ng karahasan na may kauganayan sa election ang incumbent mayor ng Rizal, Cagayan na si Joel Ruma. Nagtatalumpati sa isang campaign rally sa Bgy. Illuru si Ruma noong Miyerkules ng gabi ng barilin ng umano’y sniper. Nanggaling umano ang bala sa labas ng gymnasium na pinagdarausan ng campaign rally. Dinala sa ospital si Ruma pero namatay din.
Noong isang araw, dinakma ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ang isang Chinese dahil sa pagbebenta ng 9 mm pistol na hindi lisensyado. Ipinagbebenta ang baril sa halagang P40,000. Ayon sa Chinese, ang baril ay ibinigay lamang sa kanya ng dating kasamahan sa trabaho sa isang company dito sa Pilipinas. Gusto na raw niyang bumalik ng China kaya niya binibenta ang baril.
Mahigit dalawang linggo na lamang ang natitira bago ang May 12, 2025 elections at habang papalapit ito, parami naman nang parami ang mga nagaganap na karahasan. Ang pagkilos ng PNP para mapigilan ang karahasan ang tanging inaasahan. Samsamin ang mga baril para magkaroon ng kaayusan. Hindi dapat maging kampante ang PNP sa mga nangyayari.
- Latest