EPD ‘dorobo’ cops, maabsuwelto!
ANG negosyanteng Chinese na kinulimbatan ng P85 milyon na alahas, gadgets at gamit ng EPD “dorobo” cops ay top official ng POGO, ayon sa mga kamag-anak ng walong pulis. Si Li Jie ay isa sa mga top officials ng POGO na nakatakas nang ma-raid ng mga awtoridad ang Aseana Bldg. sa Parañaque City. Dun sa POGO, iba ang pangalan na ginagamit ni Li, anang mga kamag-anak.
Kaya malakas ang kutob ng mga kamag-anak na hindi na sisipot sa hearing ng robbery at kidnapping charges na isinampa ng NCRPO laban sa mga EPD “dorobo” cops kasi mahuhubaran siya. Maliban sa ang passport niya ay taga-Grenada siya, si Li ay hindi rin marunong magsalita ng Tagalog o English.
Hindi lang ‘yan, mauungkat din kung saan galing ang kanyang itinatagong P85 milyon na kayamanan dahil itatanong ito sa kanya ng abogado ng EPD “dorobo” cops bilang strategy upang mapawalang sala ang kliyente niya. Mismooo! Kung sabagay, sinabi ng kapatid ni Li na si Kitty na mayroon silang restaurant business at apat na taon na sila sa Pinas. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Samantala, deny to death naman ang pamunuan ng EPD sa lumalabas sa social media platforms na hina-harass nila ang pamilya ng EPD “dorobo” cops at tinangka pa nilang hatakin ang kotse na nakita sa CCTV camera na nilagyan ng loot o kinulimbat ng mga tiwaling pulis.
“These allegations attack the core of our commitment in enforcing the law with integrity and respect for human rights,” ayon sa EPD statement. Sinabi pa ng EPD leadership na hindi nila kino-condone, tolerate at ang pagkasangkot sa harassment at coercion sa pagpatupad ng kanilang tungkulin.
“Our police corps is dedicated to complying with the established principles of due process and following the police operational procedure. They have been properly instructed to respect every individual’s rights regardless of their status or association,” ayon pa sa EPD statement. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ang EPD statement mga kosa ay inilabas matapos akusahan ng abogado ng EPD “dorobo” cops na si Atty. Reginaldo Bucu ang reklamo ng mga kamag-anak na pinagpapasok ang mga bahay nila ng mga pulis na walang ipinakitang search warrant. Mukhang hinahanap ng mga pulis ang P85 milyon na loot ng mga tiwaling pulis. Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Subalit hanggang sa ngayon ay wala pang balita kung nasaan ang loot. Pero ang kumakalat na Marites sa Camp Crame ay malaking parte nito ay nasa custody ng isang mataas na opisyal ng PNP. Araguyyy! Sa tingin ng mga kosa ko pinatatahimik lang ni PNP official ang kaso bago subain ang loot. Dipugaaa! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sa totoo lang, hindi naman ma-deny ng EPD “dorobo” cops na may loot dahil umiikot sa social media ang litrato ni Li, na nakapambahay, at nasa harap niya ang nakahilerang mga nakulimbat na kagamitan. May isa pang pics na sa tingin ng mga kosa ko ay sapilitang binuksan ang safety deposit box at sa sahig ay nagkalat ang mga boxes na nilagyan ng mga mamahaling relos at gadgets.
Si DSOU chief Maj. Emerson Coballes, na AWOL sa ngayon, ang may kasagutan para magkaroon ng linaw ang kaso ng EPD “dorobo” cops, na iniimbestigahan na sa utos ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil. Hindi mangingiming ipa-dismiss ni Marbil ang walong tiwaling pulis. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Ganun na nga!
Habang nagdurusa ang EPD “dorobo” cops at pamilya nila, pakuya-kuyakoy naman ang opisyal ng PNP na kumita sa illegal na raid. May tsansang maabsuwelto ang EPD “dorobo” cops sa criminal case? Abangan!
- Latest