Swimmer sa Poland, nakapagtala ng world record nang lumangoy nang walang tigil sa loob ng 2 araw!
PINATUNAYAN ng Polish swimmer na si Karolina Szczepaniak ang kanyang lakas at determinasyon matapos makamit ang Guinness World Record na “farthest distance swimming in 48 hours in a 25 m pool (female)” sa Warsaw, Poland.
Sa loob ng 48 oras, walang tigil na lumangoy si Szczepaniak sa 25 m pool at naabot ang distansiyang 149.02 kilometers. Hindi siya umahon sa tubig sa buong pagsubok, maliban sa mabilisang pagkain at pag-inom na inabot ng kanyang support team habang siya ay nasa pool.
Bilang beteranang Olympian, matagal na pinaghandaang mabuti ni Szczepaniak ang physical at mental na aspeto ng pagsubok, kabilang ang endurance training, tamang nutrisyon, at pag-manage ng pagod.
Isinabay din niya ang pagsubok sa isang fundraising initiative para suportahan ang isang foundation na tumutulong sa mga batang may kapansanan.
Matapos ang 48 oras, sinalubong si Szczepaniak ng palakpakan mula sa kanyang mga kaibigan at tagasuporta na nag-abang sa swimming hall. Ayon sa atleta, inspirasyon niya sa paglangoy ang mga batang patuloy na lumalaban sa kabila ng mga pagsubok sa kanilang kalagayan.
Sa susunod na taon, plano rin ni Szczepaniak na subukan ang paglangoy mula Sweden patungong Poland sa Baltic Sea, bilang bahagi ng kanyang paghahanda para sa titulong “Longest distance open water swim (female)”.
- Latest