EDITORYAL - Mga ‘bangag’ na PUV drivers

MARAMING public utility vehicle (PUV) drivers ang nagpositibo sa paggamit ng shabu at iba pang illegal drugs sa isinagawang drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Mahal na Araw. Karamihan sa mga nagpositibo ay drivers ng pampasaherong bus na biyaheng probinsiya. Itinaon ang drug testing sa panahon na dagsa ang mga taong uuwi sa probinsiya para gunitain ang Mahal na Araw. Lumabas na 97 PUV drivers ang nagpositibo sa paggamit ng shabu.
Ang 97 na nagpositibo sa droga ay kabilang sa 671 drivers na sinuspende ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya. Nasa 574 naman ang mga drayber na sangkot sa road crash accident kung saan may mga namatay at grabeng nasaktan noong Holy Week. Iniulat naman ng Land Transporation Office (LTO) na 1,165 na mga sasakyan ang inisyuhan ng show cause order dahil hindi pumasa sa road worthiness check ng ahensya noong Mahal na Araw.
Bago ang Mahal na Araw, ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang pagbuo ng special task force para magrebyu ng road safety policies. Kabilang sa ipatutupad ang mahigpit na panuntunan sa tamang pagmamaneho.
Noong Miyerkules ng gabi, tatlo ang namatay sa malagim na aksidente na naman sa kalsada ang naganap nang isang trailer truck ang umatras at nadaganan ang isang kotse at pampasaherong jeepney sa Bgy. Fortune, Marikina City. Apat na sasakyan pa ang nasangkot sa aksidente. Ayon sa report ng Marikina Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), paakyat sa steep part ng kalsada ang trailer pero hindi kinaya at umatras. Naatrasan nito ang mga kasunod na sasakyan at saka tumagilid at napuruhan ang isang kotse at jeepney. Ang daawang namatay ay nakuha sa kotse samantalang ang isa ay sa jeepney. Hawak na ng pulisya ang driver ng trailer truck at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple injury with multiple damage to property.
Ang lubos na kawawa sa mga nagaganap na aksidente ay ang mga inosenteng pasahero na nadadamay dahil sa kagagawan ng mga drayber na walang kasanayan sa pagmamaneho at nasa impluwensiya ng illegal na droga at lango sa alak.
Magsagawa ng regular na drug test sa PUV drivers ang LTO at iba pang ahensiya ng pamahalaan. Isagawa ito, hindi lang kung may okasyon na nagdadagsaan ang mga tao sa bus teminal para umuwi sa probinsiya. Kung magkakaroon ng regular drug test, maiiwasan ang malalagim na aksidente. Iligtas ang mga pasahero at pedestrians sa mga “bangag” na drayber.
- Latest