Bandilang Pinoy sa kalawakan
HALOS dalawang taon na ang nakararaan, napabalita si Kristine Atienza bilang unang Filipino analog astronaut at unang Pinoy na sinertipikahan para sa suborbital space flight. Nagtapos si Kristine ng community nutrition sa University of the Philippines pero aktibo siya sa larangan ng astronomiya.
Marami nang mga institusyon, ahensiya at organisasyon (publiko man o pribado) na matagal nang nagsasagawa ng tinatawag na simulation o mga aktibidad o hakbang na tinutularan para masaliksik at mapag-aralan ang mga misyon sa ibang mga planeta tulad sa Mars o maging sa buwan.
Ginagawa ito sa iba’t ibang bahagi ng mundo na ang kapaligiran ay maaaring kawangis ng sa Mars halimbawa. Kabilang dito ang research station ng Hawai’i Space Exploration Analog and Simulation (HI-SEAS) na matatagpuan sa may gilid ng bulkang Mauna Loa sa Hawaii.
May taas itong 8,200 feet above sea level. Ginagaya rito ang pisikal at sikolohikang kapaligiran sa isang delikadong biyahe patungo sa Mars at sa paninirahan dito. Analog astronaut ang tawag sa mga indibidwal na kalahok sa ganitong mga aktibidad.
Kabilang si Kristine sa mga pinalad na makasama sa ganitong simulation. Nagamit niya ang kanyang pinag-aralan sa kolehiyo. Nagsimula siya rito bilang researcher hanggang maging nutrition-dietician at medical officer sa HI-SEAS.
Kinalaunan, sumailalim siya sa Suborbital Space Flight Training program ng National AeroSpace Training and Research (NASTAR) Center na isang pangunahing commercial air and space training, research, and educational facility. Naging daan ito para maging handa siya sa aktuwal na pagbibiyahe sa kalawakan.
Batay sa naglabasang mga ulat, pangarap din ni Kristine na magkaroon ng bandilang Pilipino sa kalawakan. Itinataguyod niya ang pagkakaroon ng human space flight program para sa Pilipinas. Naniniwala siyang makikita rin natin sa hinaharap ang bandilang Pinoy sa kabilang bahagi ng Karman line na isang di-nakikitang hangganan ng kalawakan at ng atmospera ng daigdig. Nagbubukas rin anya ang kalawakan para sa mga Pinoy.
“Lagi tayong nasa-sideline for space explorations. It’s very hard for us to dream because unang naiisip lagi means you need to be a citizen of this country to become an astronaut or even to participate in any space activities. I hope I can reach that,” sabi ni Kristine sa ilang panayam.
Idiniin niya na, sa pagsulong ng commercial spaceflight, hindi na limitado lang sa mga astronaut ng NASA o ng European Space Agency ang oportunidad na makarating sa kalawakan. Lahat aniya ngayon ay puwede nang pumasok sa space exploration ano man ang propesyon basta’t may mga paraan. Hindi lang mga gobyerno kundi maging mga malalaking pribadong kompanya ay nagpopondo sa ganitong mga misyon.
“Sa lahat po, lalo na sa mga kabataan na nangangarap na maging astronaut, dati noong bata rin naman ako parang dahil of course sa Philippines parang dati wala naman tayong space agency pero ngayon meron na tayo,” pahayag pa ni Kristine na adbokasya na ang mapalawak ang kaalaman ng mga Pinoy sa astronomiya at kahit sa lahat ng siyensiya.
“Hopefully makita natin yun isang Filipina astronaut kaya ginawa ko rin talaga yung sub-orbital space flight. I really want to give opportunities or for us to have way means para makarating ang Philippine flag sa outer space. ‘Yun po ang pangarap ko talaga.”
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest