Mga kalituhan sa darating na eleksiyon
KALAHATING buwan na lang ay eleksiyon na, pero napakarami pang nalilito tungkol sa darating na eleksiyon. Hindi lamang mga botante ang tila lito, kundi maging ang mga kandidato. Nakakatakot ang maaaring kauwian ng isang eleksyong inilalarawan ng kalituhan.
Noong isang araw, napanood ko ang interbyu sa isang kandidato sa Senado. Tinanong siya kung ano ang mga batas na kanyang ipapanukala sakaling palarin siyang manalo. Nagulat ako sa sagot niya. Marami na raw tayong magagandang batas, kaya hindi na kailangan ang mga bagong batas, ang mahalaga’y ang pagpapatupad ng mga ito.
Tama naman ang kanyang sinabi, ang mali ay ang posisyong kanyang tinatakbuhan. Dapat ay tumakbo siyang governor o mayor at hindi senador na ang tungkulin ay gumawa ng batas. Sakaling manalo ang kandidatong ito, mas malamang ay mapabilang siya sa committee on silence.
May isang kandidatong nag-aambisyon namang maging kongresista. Ang pangako niya sakaling manalo ay mamigay ng regular na ayuda sa mga nangangailangan. Siguradong maraming boboto sa kandidatong ito. Pero, tulad ng senador, ang trabaho ng kongresista ay gumawa ng batas at hindi mamigay ng ayuda.
Sakaling manalo ang kandidatong ito, siguradong madalas siyang makikita sa mga lugar ng kalamidad, kaysa sa sesyon ng Kongreso.
Maraming tumatakbo na popular, pero walang kakayahan sa mga puwestong tinatakbuhan. Siguro, ang akala nila’y popularity contest ang darating na eleksiyon. Ito rin ang akala nang maraming botante, na ang eleksiyon ay popularity contest.
Dahil popular, maaaring manalo ang isang kandidatong walang kaalam-alam. At sakaling manalo ay saka na lang mag-aral kung paano ang gagawin. Isa pa ito sa kalituhan, maraming kandidatong akala ay eskuwelahan ang Kongreso o ang opisina ng governor o mayor. Kapag nanalo ang mga ganitong kandidato, ano ang aasahan natin?
May mga tumatakbo at botante na nag-aakalang ang eleksiyong darating ay labanan lang ng dalawang higanteng pulitiko—Marcos at Duterte. Nakakatakot ito! ‘Yung mahahalal sa tiket ni Duterte, baka walang aatupagin kundi pangalagaan ang interest ng mga Duterte, at ‘yong sa tiket naman ni Marcos, baka ang laging nasa unahan ng prayoridad ay ang kapakanan ng mga Marcos.
Nasaan na ang kapakanan ng bayan? Baka sa kalituhan ng mga botante ay makalimutan na may mga kandidato namang wala sa magkabilang-panig na higit na kuwalipikado.
Marami ring tumatakbo ang nag-aakala na ang serbisyo publiko ay isang family business. May kamag-anak ng nakaupo sa katulad na puwesto ay hindi pa rin nangingiming tumakbo.
O kaya’y magkakamag-anak na tumatakbo sa iisang puwesto, halimbawa’y sa Senado. Ayon sa pag-aaral, halos 80 porsiyento ng mga nakaupo sa puwesto ay nagmula sa political o family dynasty. Kaya ang Pilipinas ay tinataguriang isang dynastic democratic country.
Katataos lamang ng Semana Santa. Alam natin na ang kulay ng Biyernes Santo ay itim, sapagkat kumakatawan ito sa kabiguan at kamatayan, samantalang ang kulay ng Pasko ng Pagkabuhay ay puti, sapagkat kumakatawan ito sa tagumpay at buhay.
Dalawang higanteng pulitiko, sina VP Sara at Senator Imee ang nagkampi at ang ginawa nilang kulay ng kanilang pagkakampi ay itim. May mga paliwanag sila kung bakit. Pero ako’y litung-lito dahil nga sariwa pa sa akin ang alaala ng Semana Santa. Kayo, hindi ba kayo nalilito?
- Latest