Flocerfida (1)
MAY kasalanan si Kikoy sa dating kasamahan sa trabaho sa Jubail, Saudi Arabia na si Dong. Nang umuwi siya sa Pilipinas, may ipinadala si Dong na makapal na sulat at pinakisuyong dalhin sa bahay nito sa probinsiya. Mahalaga ang laman ng sulat at nag-aalala si Dong na kung ihuhulog sa koreo ay baka mawala o pakialaman at paghinalaang may lamang pera. Nagmagandang loob naman si Kikoy na personal na dadalhin ang sulat sa bahay nito. Pareho sila ni Dong na supply manager sa isang sangay ng gobyerno ng Saudi. Siya ay 15 taon na sa kompanya at si Dong ay 10.
“Ako na ang bahala rito sa sulat na ito. Pera yata ang laman nito, Dong?’’
“Hindi. Sulat lang ‘yan, Kikoy pero mahalaga.”
“Okey. Dadalhin ko na sa inyo. Alam ko naman ang sa inyo sa San Pablo.”
“Salamat, Kikoy. Hanapin mo lang ang father ko na si Victor.”
“Sige Dong.”
Subalit pagdating ni Kikoy sa Pilipinas, maraming matitinding problema ang sumalubong sa kanya. Nagkahiwalay sila ng kanyang ka-livein. Natuklasan niyang may lalaki ito. Kasunod ay nagkasakit siya nang malubha na muntik na niyang ikamatay. Naospital siya at lahat nang naipon sa pagsa-saudi ay naubos.
Hindi na siya nakabalik sa Saudi.
Lumipas ang isang taon, saka niya naalala ang sulat na pinakikisuyo sa kanya ni Dong. Nakita niya ito sa kanyang maleta.
Dahil sa mga problemang dumating sa buhay niya, nakalimutan niya ang sulat. Sinubukan niyang tawagan si Dong sa Saudi para magpaliwanag at mag-sori pero wala na raw dun si Dong.
Gulung-gulo ang isipan ni Kikoy. Hindi niya alam ang gagawin. Dadalhin pa ba niya ang sulat sa San Pablo?
Ipinasya niyang magtungo sa San Pablo. Bahala na.
Tahimik na barangay ang naratnan niya. Malawak ang palayan sa magkabilang gilid ng kalsada.
Nagtanong siya sa isang dalagita na naliligo sa irrigation canal.
“Nene saan ang bahay ni Tatay Victor?”
“Dun po sa may kawayanan. Lolo ko po siya!”
(Itutuloy)
- Latest