EDITORYAL - Solb na nga kaya ang kidnap-slay?

Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na solb na ang kasong pagkidnap at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at drayber nitong si Armani Pabillo. Ang pahayag ay ginawa ng PNP nang maaresto ang dalawang suspects sa Roxas, Palawan noong Biyernes Santo. Ang mga naaresto ay sina Richard Austria David at Raymart Catequista. Sumuko naman noong Sabado de Gloria ang Chinese na si David Tan Liao sa Camp Crame. Inamin ni Liao na sangkot siya sa pagdukot kay Que at iba pang Chinese na nagkakautang sa kanilang grupo.
Ayon sa PNP, tiniktikan ng mga suspek ang biktima noon pang Enero ng kasalukuyang taon hanggang isagawa nila ang pagdukot at pagpatay. Dinala umano sa isang safehouse sa Bgy. Langka, Meycauayan, Bulacan, sina Que at Pabillo at saka pinahirapan hanggang mamatay. May mga bakas sa leeg na hinihinalang binigti ang dalawa.
Natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa tabing kalsada sa Rodriguez, Rizal noong Abril 9. Nakabalot sa plastic bag ang mga bangkay at naka-duct tape ang mga mukha. Ayon sa PNP, huling nakita ang sasakyan ni Que sa Macapagal Blvd sa Pasay City noong Marso 29. Noong Abril 8, natagpuan ang inabandonang sasakyan sa Seminary Road, Bgy. Bahay Toro, Quezon City. Ayon pa sa pulisya, nagbayad ng P100 milyong ransom ang pamilya ni Que sa kidnappers.
Karapat-dapat papurihan ang PNP sa pagkakaaresto sa tatlong suspects sa pagkidnap at pagpatay kay Que at drayber na si Pabilllo. Pero hindi sila dapat tumigil dito sapagkat mas mahalagang mahuli ang “utak” sa pagkidnap at pagpatay sa mga biktima. Kapag nahuli ang “utak” sa krimen, saka lamang maituturing na lutas na ang kaso.
Sinabi ng PNP na may dalawa pang Chinese na hinahanap kaugnay sa kaso ni Que at ayon sa kanila, maaaring ang mga ito ang “utak” sa krimen. Ayon pa sa PNP, ang dalawang Chinese ay maaaring nakatira sa safehouse sa Meycauayan, Bulacan kung saan itinago at pinatay sina Que at Pabillo.
Nanawagan din ang Federation of Pilipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. na hulihin lahat ang mga suspect sa karumal-dumal na pagpatay. Una na ring nagpahayag ang pinuno ng samahan na nararapat ibalik ang parusang kamatayan laban sa kidnapper. Hindi aniya katanggap-tanggap na nagbigay na ng ransom ang pamilya ng biktima pero pinatay pa rin ito.
Kung ang sabi ng PNP ay mayroon pang dalawang personalidad na hinahanap sa pagkidnap at pagpatay kina Que at Pabillo, hindi pa masasaabing solb na ang kaso. Hanapin ang dalawang suspek at arestuhin. Kapag nagawa ito, saka lamang masasabi na lutas na nga ang kaso at mapapanatag ang kalooban ng pamilya ng mga biktima.
- Latest