^

Punto Mo

EDITORYAL - Lumalabag sa MSRP ng bigas at karne, kastiguhin ng DA

Pang-masa
EDITORYAL - Lumalabag sa MSRP ng bigas at karne, kastiguhin ng DA

MATAAS pa rin ang presyo ng bigas at karne sa mga palengke sa Metro Manila. Ito ay sa kabila na nagpalabas na ang Department of Agriculture (DA) ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga nabanggit na produkto. Ang presyo ng bigas ay nananatili sa P48 hanggang P50 bawat kilo na lubhang mataas sa itinakdang MSRP na P45. Ang karneng baboy ay P470 sa halip na P350.

Ayon sa report, 70 percent ng mga palengke sa Metro Manila ang hindi sumusunod sa MSRP. Ilan sa mga ito ay ang Pateros Market, Pritil at Trabajo Market sa Maynila; Cartimar Market sa Pasay, Muñoz Market sa Quezon City at Pasay City Market.

Napakaraming palengke ang hindi sumusunod kaya naman umaaray ang mamamayan sa mahal na presyo ng bigas. Mas apektado ang mga kakarampot ang kinikita gaya ng jeepney drivers na P200 hanggang P300 ang kinikita araw-araw. Gaano ang mabibiling bigas ng kanilang kinikita?

Ayon naman sa mga nagtitinda ng bigas at karne, mataas ang kuha nila ng produkto sa suppliers kaya mataas din nila itong ibebenta. Wala raw silang kikitain kung ibababa nila ang presyo.

Ang MSRP sa bigas at karne ay ipinatupad noong Marso 31. Ayon kay Agriculture Secretary Tiu-Laurel Jr., nakipag-usap na siya nang masinsinan sa stakeholders at nagkaroon sila ng kasunduan ukol sa MSRP. Nakadidismaya na hindi ito nasusunod. Balewala ang kautusan ng DA chief.

Nang ibaba ni President Ferdinand Marcos Jr. ang taripa para sa imported na bigas, inasahang bababa ang presyo ng bigas. Pero sa halip na bumaba, lalong tumaas ang presyo. Dumagsa ang imported pero ganun­din ang presyo. Umasa rin noon ang mga mahihirap sa pangako ni Marcos na ibababa sa P20 per kilo ng bigas. Pero ang pangako ay hindi nagkaroon ng katuparan at itinuring na bangungot na lamang.

Sabi ng DA, magsasagawa sila ng inspection sa mga palengke sa Metro Manila at pananagutin ang mga lumalabag sa MSRP. Nararapat na kastiguhin ng DA ang mga hindi tumatalima sa kautusan. Maraming umaasa sa murang bigas lalo na ang mga naghihikahos at kakarampot ang kinikita.

Kamakailan, lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na 35.6 percent ang mga nagsabing sila ay nakaranas ng gutom. Marahil dahil sa mataas na presyo ng bigas kaya nila nasabing nakaranas ng gutom. Hindi sila makabili nang sapat para sa kanilang pamilya. Lubhang kawawa ang kanilang kalagayan na bigas lamang ay napagkakaitan pa. Ipakita ng DA sa mga lumalabag sa MSRP ng bigas at karne na mayroon silang ngipin.

BIGAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with