EDITORYAL — Tuklasin pa mga ‘kaduda-dudang’ pangalan

HABANG papalapit ang nakatakdang pagdinig ng Senado sa impeachement case ni Vice President Sara Duterte, patuloy naman ang pagkakadiskubre ng mga pangalan na nakatanggap o recipient ng confidential funds ng Office of the Vice President. Ayon sa Commission on Audit (COA) nasa 400 pangalan ang tumanggap ng confidential funds. Nasa P612.5 milyong confidential funds ang iniimbestigahan dahil sa iregularidad.
Nakabalik na sa bansa ang Vice President noong Linggo makaraan ang halos isang buwan na pananatili sa The Hague, Netherlands, kung saan nakadetine sa International Criminal Court (ICC) facility ang kanyang amang si dating President Rodrigo Duterte na inaresto noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity. Bago umuwi, isinaayos niya ang defense team ng ama para sa gaganaping paglilitis sa Setyempre 23, 2025.
Sa pagbabalik sa bansa, inaasahan na ang kanyang aasikasuhin ay ang kanyang kaso kaugnay sa hindi maipaliwanag na paggamit ng kanyang confidential funds. Na-impeached si Sara noong Pebrero ng House of Representatives at nakatakda ang pagdinig ng Senado sa kanyang impeachment case sa Hulyo 30.
May mga bagong pangalan naman na lumutang na kinabibilangan nina Beverly Claire Pampano, Mico Harina, Patty Ting, Ralph Josh Bacon at Sala Casim. Ang nakadiskubre ng mga bagong pangalan ay si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union.
Unang nadiskubre ang mga pangalang Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova, Chippy McDonald, Pia Piatos-Lim, Renan Piatos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, at Dodong S. Barok.
Noong Disyembre 2024, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mga nabanggit na pangalan ay wala sa kanilang data base. Wala umanong record para sa individual’s birth, marriage at maski death record.
Ang paglutang ng mga bagong “kaduda-dudang” pangalan ay lalong nagdadagdag sa hinala na may anomalya sa paggamit ng confidential funds. Marami ang mag-aabang sa paghalukay sa mga pangalang ito na ang ilan ay hindi malilimutan. Dapat makilala kung sino ang nasa likod ng mga pangalan sapagkat ang nakataya rito ay pera ng taumbayan. Nararapat lamang na mapanagot ang nasa likod ng anomalya.
- Latest