Parada ng mga ‘wiener dog’ sa Germany, nakapagtala ng World Record!
UMEKSENA ang halos isang libong dachshund sa lansangan ng Regensburg para sa isang engrandeng parada na nagresulta sa bagong Guinness World Record!
Ang lungsod, na kilala bilang tahanan ng Dackelmuseum o museo ng dachshund, ang nagdaos ng tinaguriang pinakamalaking parada ng mga asong ito.
Sa opisyal na bilang ng Guinness, umabot sa 897 ang sumali, ngunit ayon sa iba, posibleng pumalo pa ito sa 1,175.
Ang dachshund, na tinaguriang “wiener dog” o “hotdog dog” dahil sa mahaba nitong katawan at maiikling paa, ay isang breed na nagmula sa Germany.
Orihinal itong pinalaki bilang tagahuli ng mga badger, ngunit kalaunan ay naging isa sa pinakapaboritong pet breed sa buong mundo dahil sa pagiging masayahin, matapang, at matapat sa kanilang amo.
Ayon sa mga organizer, layunin ng parada na magbigay ng saya at positibong enerhiya sa komunidad. Sa dami ng cute na asong lumahok, hindi na nakapagtataka kung bakit nagmistulang isang malaking dog show ang parada sa lungsod!
- Latest