Mayang (169)
“MAKALIPAS ang isang taon, hindi pa rin daw lubos na makalimutan ni Mam Araceli si Manuel. Kahit daw ibinuhos niya ang oras sa pagtuturo at iba pang pagkakalibangan, lagi pa rin daw sumisingit sa alaala ang masasayang araw nila ni Manuel. Kahit daw anong pilit ni Mam na iwaksi ang mga nangyari, hindi niya lubusang magawa.
“Naisip daw ni Mam na mag-resign na sa pagtuturo at magtungo sa Maynila para dun maghanap ng bagong trabaho. Kasi raw, habang patuloy siyang magtuturo, lagi nang nakakabit ang mga alaala ni Manuel. Noon daw kasing hindi pa sila naghihiwalay ay madalas din siyang puntahan sa school ni Manuel at pagkatapos ay kakain sila sa paborito nilang restaurant. Masaya raw silang magkukuwentuhan habang kumakain. Pagkatapos kumain, mamamasyal sila at walang sawang magkukuwentuhan.
“Pero hindi raw natuloy ang kanyang balak na pagbibitiw sa pagtuturo sapagkat maraming estudyante ang nakiusap sa kanya na huwag umalis. Kailangan daw siya ng mga estudyante. Nagmakaawa ang maraming estudyante kay Mam at hindi niya natanggihan ang kahilingan sapagkat halos lahat ng estudyante ng school ang lumapit sa kanya.
“Kaya nagpatuloy siya sa pagtuturo. Nagpatuloy ang magandang pakikitungo niya sa mga estudyante na itinuring na siyang “ina”. Maraming estudyante ang natulungan niya lalo na ang mga may pinagdaraanan sa buhay.
“Sabi raw ni Mam sa sarili noon, nakakatulong siya sa iba na may taglay na problema pero ang sarili niya ay hindi matulungan. Pero mula raw nang ipasya niyang huwag nang magbitiw sa pagtuturo, unti-unti, nakalimutan na niya si Manuel. Hindi na raw siya nalulungkot.”
Nagtanong si Jeff kay Mayang.
“Ano na ang nangyari kay Manuel? Natuloy ba ang pagpapakasal sa nabuntis na kapwa teacher?”
“Sabi ni Mam, nabalitaan niya na natuloy ang kasal ni Manuel at ng babae. Pero mula nun wala na raw siyang balita. At isa pa ayaw na niyang makarinig ng tungkol kay Manuel.”
“Hindi na niya alam kung nagkaroon ng anak? Di ba nabuntis ang babae?”
“Wala na raw siyang balita.”
“Baka naman hindi totoong nabuntis? O baka nabuntis pero hindi siya ang ama.”
Nagtawa si Mayang.
“Para namang teleserye ang kuwento, ha-ha-ha!”
“Aba malay mo, ipinaako kay Manuel ang pinagbubuntis.”
“Hindi natin alam.”
“Sana may malaman si Mam ukol kay Manuel.” (Itutuloy)
- Latest