Mayang (142)
“TOTOO naman kaya ang mga ikinuwento sa iyo ni Puri, Mayang? Hindi naman kaya tahi-tahi lang ang kuwento niya para makakuha ng simpatya?’’ tanong ni Jeff.
“Totoo, Jeff.’’
“Kawawa naman pala siya kung ganun.’’
“Naglayas daw siya dahil sa halip na siya ang kampihan ng nanay niya, ang ka-live-in pa ang kinampihan. Nakatapos na raw siya ng high school noon. Nagtungo siya sa Maynila at nakipagsapalaran.
“Nakapasok daw siyang tindera sa isang tindahan ng hopia sa Sta. Cruz. Habang nagtatrabaho, nag-enrol siya ng secretaria sa isang vocational school sa Recto at nang makatapos ay nakapagtrabaho naman siya sa isang maliit na kompanya sa may Legarda.
“Akala niya, tuluy-tuloy na ang kanyang buhay, pero ang may-ari pala ng kompanya ay nagkainteres sa kanya. May edad na ang may-ari na isang Chinoy. Pinag-obertaym siya ng may-ari. Marami raw ipata-type na dokumento. Siya naman ay walang kahina-hinala na mayron palang ibang binabalak ang Chinoy.
“Nang sila na lamang ang nasa opisina, nilapitan daw siya ng Chinoy at tinanong kung ano ang gustong kainin. Marami pa raw silang gagawin kaya kailangan ay sagana sa pagkain. Sabi raw niya sa Chinoy na may-ari, bahala na ito. At nagpatuloy siya sa pagta-type. Gusto niyang matapos bago mag-alas-nuwebe ng gabi ang mga ginagawa.
“Maya-maya raw, may dumating na mga pagkain—litson, pansit, chapsuey, fried rice at malalamig na softdrinks. Pinatigil daw siya sa pagta-type ng Chinoy at pinakain. Kumain daw siya. Hindi sumabay sa pagkain ang Chinoy at nanatili sa room nito.
“Nang matapos kumain at uminom ng juice, nakaramdam daw siya ng pagkahilo at hindi na niya alam ang mga sumunod pa.
“Nang magising ay nakahiga na siya sa sopa sa loob ng opis ng Chinoy. Hubad.
Nakita niya ang Chinoy na natutulog sa upuan. Parang satisfied na satisfied at humihilik pa.
“Napaiyak daw siya. Naging bikima na naman siya.
“Aalis na raw siya pero pinigilan ng Chinoy. Nakiusap na huwag nang makarating sa iba ang nangyari. Ito raw ang bahala sa kanya. Gagawin siyang manedyer. Huwag lang daw magsumbong lalo sa asawa nito.” (Itutuloy)
- Latest