EDITORYAL — POGO, buhay na buhay pa

BUHAY pa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) taliwas sa inaasahan ng mamamayan na pagsapit ng Enero 1, 2025 ay nalipol na ang mga ito. Maling akala sapagkat marami pang illegal POGOs at nagsasabog pa ng lagim. Hindi natupad ang sinabi ng mga awtoridad na pagkatapos ng Disyembre 31, 2024 na deadline sa POGOs, walis na ang mga ito.
Hindi nagkatotoo ang sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na pagsapit daw ng Enero 2025, ay POGO-free na ang Pilipinas. Nangako si Remulla na tutugisin ang mga nasa likod ng pagpapatakbo ng POGO guerilla operations.
May kautusan din na nilagdaan ang Malacañang na nagbabawal sa lahat ng POGO. Noong Nobyembre 2024, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order No. 74 na nagbabawal sa lahat ng POGO. Mahigpit ang kautusan na inaatasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ipatupad ito at tiyaking hanggang Disyembre 31, 2024 na lamang ang lahat nang POGO sa bansa. Walang nangyari sa kautusan sapagkat marami pang illegal POGOs at nagdudulot pa ng problema sa bansa.
Noong Huwebes, na-rescue ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang 34 Indonesian nationals at isang Chinese mula sa illegal POGO sa Parañaque. Ayon sa PAOCC ang mga dinukot na dayuhan ay nailigtas sa tulong ng Indonesian Embassy. Nakatanggap umano ang PAOCC ng distress message mula sa Indonesian national. Nagsagawa ng pagsalakay ang PAOCC at na-rescue ang mga dayuhan. Naaresto ang babaing Chinese na si Liu Meng na sinasabing kilalang personalidad na nagpapatakbo ng POGO sa Parañaque City. Bukod kay Liu Meng, naaresto rin ang dalawang Chinese nationals at isang Malaysian. Ayon sa mga nailigtas na Indonesians, dati raw silang POGO workers na nagtapos na ang kontrata noong nakaraang Enero 21, 2025.
Sa pagkaka-rescue sa mga Indonesians at iba pang dayuhan, tiyak nang marami pang nag-ooperate na illegal POGOs. Hindi dapat tumigil ang PAOCC at PNP para ganap na malipol ang mga POGO.
Ayon sa report, ginagawang front ng illegal POGO ang mga resort at restaurant para maitago ang negosyo. Lumutang din na may mga government official na tumutulong sa illegal POGOs para makapagpatuloy sa kanilang operasyon sa bansa. Kinakasabwat ng POGO ang mga government official para sa pagpapatuloy ng operasyon. Nararapat matukoy ang mga hudas na government officials na tumutulong sa POGO. Kasuhan sila at ikulong kapag napatunayan.
- Latest