‘Labaha’ (Part 2)
TALAGANG hindi ko matanggap na si Tiyo Nonoy ang ipinalit ng aking ina sa namatay kong ama. Bata pa nang mamatay si Itay—33 anyos lang. Nawalan ng malay habang nasa munisipyo at nagtatrabaho bilang typist. Maraming nanghinayang kay Itay dahil masipag at mabait na empleyado. Kung hindi raw namatay si Itay ay baka siya na ang hepe sa departamento nila. Maraming nagsasabi na may kamukhang artista si Itay. Maraming nagsabi na guwapo si Itay.
Iyak nang iyak si Inay sa maagang pagkawala ni Itay. Sabi ni Inay, wala man lang daw pahiwatig si Itay na iiwan na kami.
Nang umalis daw ito ng umaga ay masiglang-masigla. Walang palatandaan na mamamatay na. Hindi mataba at hindi naman payat si Itay kaya hindi aakalain na mamamatay sa massive stroke. Hindi na umabot sa ospital at sa daan pa lamang ay namatay na.
Habang nakaburol si Itay, umiiyak na sinasabi ni Inay kung paano niya itataguyod ang dalawang anak na lalaki—ako nga at si Ricky. Taumbahay lamang si Inay at walang alam na trabaho. Nakatapos lang ng high school.
Sabi naman ng mga kaibigan at kakilala ni Inay na malalampasan din ang lahat. Huwag lamang mawawalan ng pagtitiwala sa Diyos.
Makalipas ang mahigit isang taon mula nang mamatay si Itay, nag-asawa muli si Inay. Si Nonoy barbero ang pinalit kay Itay. Masamang-masama ang loob ko.
Si Nonoy, biyudo, may dalawang anak ay may barber shop sa palengke. Pinakamalakas na barbershop sa aming bayan.
Naisip ko, kaya marahil nagustuhan ni Inay si Nonoy ay dahil may trabaho ito at nakasisiguro na sa bukas. Pero kung ako tatanungin, ayaw ko kay Nonoy! Hindi maganda ang kutob ko sa kanya—parang lolokohin lang si Inay. (Itutuloy)
- Latest