Love scam patuloy na umaarangkada
NAPAULAT kamakailan iyong report ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group na nakapagtala ito ng 72 kaso ng mga love scam noong nakaraang taon at walong kaso noong Enero.
Matagal nang problema itong love scam sa panahon ng makabagong teknolohiya na masasabing marahil nagsimula noong unang umusbong ang internet. Nariyan na iyan kahit wala pang social media.
Meron na iyan noong panahong sikat pa iyong chatroom ng Yahoo. Tumindi nga lang ito sa pagsulpot ng social media, mga messaging service at iba pang platform at nang lumaganap ang cell phone.
Sinasabing nagiging lalong sopistikado ang love scam ngayon na tumatarget sa mga indibidwal sa iba’t ibang platform tulad ng sa social media, dating apps, WhatsApp, WeChat, Signal at Telegram.
Hindi malaman kung gaano kaeksakto iyong tala ng pulisya pero hindi malayong mas malaki pa rito ang aktuwal na bilang ng mga biktima. Asahang hindi naman lahat ng mga nabibiktima ng love scam ay nakakapagreport sa mga awtoridad lalo na kung makakapagbigay ito ng kahihiyan sa kanila. Nangyayari rin ito sa ibang mga bansa.
Sa love scam, sinasamantala at pinaglalaruan dito ang kahinaan, emosyon, kalungkutan, pangungulila, paghahanap ng bagong kaibigan o kasintahan, problema at kawalang-kamuwangan ng mga biktima para sila pagkaperahan o pagsamantalahan.
Kinakaibigan ang biktima, nagkukunwaring mahal na mahal ito, nagbibitaw ng matatamis at malalambing na salita at pangako na pawang mga kasinungalingan, nambobola, nagkukuwento ng umano’y malungkot na buhay ng scammer para makuha ang simpatya at tiwala ng biktima.
May mga scammer na bigla na lang nawawala at hindi na makausap ng bikima makaraang makuhanan ito ng malaking halaga ng pera.
Meron ngang mga mungkahi na, para makaiwas sa love scam, maging alerto kung ang nakikilala mo halimbawa sa social media o dating apps ay mabilis na nagpahayag sa iyo ng pag-ibig kahit kailan lang kayo nagkakilala, tinatangkang ilipat agad ang inyong pag-uusap sa isang private messaging app, at ayaw makipagkita nang personal o makaharap sa video call.
Pero, kahit naman may video call, may mga paraan ang scammer para hindi siya mahabol ng biktima makaraang maloko niya ito.
Nariyan din iyong idadaing ng scammer na meron siyang emergency at kailangan niya agad ng pera, hinihikayat ang biktima na mamuhunan sa cryptocurrency o ibang iskema peke para madaling magkapera o kaya hihingi ng litrato ng biktima na maaaring magamit sa blackmail.
Pero marami kasing klase ng love scam. Hindi lang ang mga nabanggit. Halimbawa, may love scam na ang biktima ay ginahasa o ibinenta sa prostitusyon o pinatay ng taong nakilala at nakarelasyon niya sa social media o kaya nakulong dahil sumabit sa krimen tulad ng money laundering sa kagagawan ng kanyang online lover.
Sana nga merong komprehensibong pag-aaral sa love scam na ito para mabatid kung gaano kalawak o kalubha na ang problemang ito. Baka makatulong ang ganitong pag-aaral para mabawasan kundi man tuluyang masugpo ang romance scam.
Isa pang mahirap sa love scam kung ang scammer ay nasa malayong lugar o ibang bansa na kumplikadong habulin ng biktima sakaling magkaproblema.
Marami na namang mga naglalabasan at nagkalat na mga paalala, paayo, gabay mga kaukulang pag-iingat laban sa love scam pero nariyan pa rin siya at hindi nawawalan ng biktima.
Email: [email protected]
- Latest