Mayang (138)
MAKALIPAS ang isang linggo, inilabas na nina Jeff si Lolo Nado sa ospital. Sa bahay nila ito tumira mula noon. Delikado nang mag-isa ang matanda sa kubo nito sa Socorro kaya hinikayat nilang sa kanila na tumira. Isa pa, wala nang kamag-anak na tutulong kay Lolo Nado.
Tinupad naman nina Jeff ang pangako kay Lolo Nado na sasamahan ito sa pagdalaw sa puntod ni Lola Encar. Isang dahilan kaya ayaw ni Lolo Nado na tumira kina Jeff ay dahil masyadong malayo sa sementeryong kinalilibingan ng asawa. Ayon kay Lolo Nado, halos araw-araw ay dinadalaw niya ang puntod ng asawa at inaalayan ng bulaklak ng ilang-ilang. Paborito umano ni Lola Encar ang bulaklak ng ilang-ilang.
Nang dalawin nila ang puntod ilang araw makaraang lumabas sa ospital si Lolo Nado ay namupol muna sila ng bulaklak ng ilang-ilang sa puno na nakatanim malapit sa kubo. Masipag mamunga ang ilang-ilang.
Bakas sa mukha ni Lolo Nado ang kasiyahan habang inilalagay sa puntod ng asawa ang mga sariwang bulaklak ng ilang-ilang.
Pagkatapos ay nilinis ni Lolo Nado ang paligid ng puntod.
Pinagmamasdan nina Jeff at Mayang ang matanda habang naglilinis. Humanga sila sa tibay ng pag-ibig ni Lolo kay Lola Encar.
“Mahal na mahal niya si Lola. Hindi siya nagsasawa,’’ sabi ni Jeff.
“Oo nga. Sayang at hindi sila nagkaanak ano?’’ sabi ni Mayang.
Isang oras silang namalagi sa puntod at saka umuwi na sila. Babalik na lang sila sa ibang araw.
PANATAG na ang buhay nina Jeff at Mayang. Si Jeff na ang naghahatid kay Jeffmari sa school. Matapos ihatid ang anak sa school ay tutulungan niya si Mayang sa pagtitinda ng damit sa palengke.
Habang nasa palengke ang mag-asawa, si Lolo Nado ang taumbahay. Dahil marunong itong magluto, siya na ang cook. Pag-uwi nina Jeff at Mayang sa lunchtime, naghihintay na sa kanila ang masarap at mainit na pagkain. Napakasarap ng luto ni Lolo Nado.
Minsan habang nagkukuwentuhan sina Jeff at Mayang, napag-usapan nila ang napatay na si Puri at ang sinabi nito bago napatay.
“Alam mo bang sinabi niya na mas una mo raw siyang minahal. Gusto ko nang maniwala sa sinabi niya.’’
“Mabuti at hindi ka naniwala?’’
“Pero binawi niya ang sinabi at humingi ng tawad.”
“Gusto pang sirain ang pagsasama natin.’’
(Itutuloy)
- Latest