‘Kuwago’ (part 15)
NABASA ko ang nakasulat sa pintuan ng hawla: Barn Owl. Puti ang balahibo ng kuwago na nasa hawla. Hindi malaki ang kanyang mga mata at sa tingin ko ay maamo kumpara sa mga nakita kong kuwago.
Nakatingin sa akin ang kuwago na para bang nagtatanong at nakikiramdam. Marahil ay nagtataka ito kung bakit nasa ilalim ako ng kanyang hawla. Siguro kung makapagsasalita ang kuwago ay itatanong sa akin: “Bakit ka nandiyan?’’
Nabaling ang atensiyon ko sa mga yabag na papalapit sa aking kinaroroonan. Nang iangat ko ang aking ulo para silipin kung sino ang may-ari ng mga yabag na papalapit—ang holdaper!
Huli na para ikubli ko ang aking ulo sapagkat nakita ako ng huramentadong holdaper. Mabilis itong nagtungo sa kinaroroonan ko para siguro i-hostage. Ako ang tanging nakita niya sa lugar. At dahil masusukol ng mga pulis kailangang gumawa ng paraan para matakasan ang mga ito—kailangang may pananggalang siya.
Nagmamadali siyang lumapit sa pinagtataguan ko.
Pero bago siya tuluyang nakalapit, biglang lumipad ang kuwago mula sa hawla at binangga ang holdaper sa mukha.
Sa lakas ng pagbangga, nabuwal ang holdaper at nabitiwan nito ang baril.
Mabilis na dumating ang mga pulis at inaresto ang holdaper.
Saka lamang ako lumabas sa pinagtataguan. Nanginginig pa rin ang mga tuhod ko dahil sa matinding takot.
(Itutuloy)
- Latest