Lolo sa India, nakatanggap ng Guinness World Record dahil sa kanyang koleksiyon ng Radyo!
ISANG 70-anyos na history buff mula sa India ang nakapagtala ng world record sa pinakamalaking koleksiyon ng radyo. Si Ram Singh Bouddh ay may koleksiyon ng 1,257 na mga radyo, higit na mas marami kaysa sa previous record na 625.
Nagsimula ang kanyang koleksiyon nang hikayatin ni Prime Minister Narendra Modi ang mga mamamayan ng India na magtayo ng sariling museo upang mapanatili ang Indian culture.
Sa loob ng 10 taon, nalampasan ni Ram ang tatlong atake sa puso, at financial problems upang mapalago ang kanyang museo, na matatagpuan sa Siddharth Inter College.
Bukod sa mga antigong radyo, may koleksiyon din siya ng mga lumang pera, selyo, pahayagan, at liham na may historical significance. Dinarayo ang kanyang museo ng mga estudyante at mananaliksik upang pag-aralan kung paano lumaganap ang mass communication sa India.
Isa sa pinakaespesyal niyang radyo ay ang ginamit upang pakinggan ang balita ng pagpaslang kay Mahatma Gandhi noong 1948. Mayroon din siyang mga radyo na ginamit sa digmaan at sa submarine.
Hindi pa rito nagtatapos ang kanyang misyon dahil pangarap niyang isang araw ay personal na bisitahin ni Prime Minister Modi ang kanyang koleksiyon.
- Latest