‘Pinsan’ ni FL Liza, timbog sa entrapment operation!
HINDI pagsilbi sa mga kababayan niya ang nasa utak ni Maggie Cacho sa pagtakbo bilang governor ng Guimaras kundi magkamal ng sandamukal na pitsa. Ang masama pa, kinakaladkad ni Cacho ang pangalan ni First Lady Liza Araneta Marcos sa raket niya.
Kaya ang Palasyo na mismo ang kumilos para tuldukan na itong raket ni Cacho sa pamamagitan ni Ambassador Marcos Lacanilao, ang special envoy to transnational crime.
Si Cacho ay inaresto ng mga tauhan ni CIDG director Maj. Gen. Nicolas Torre III sa Bgy. Sabang, Sibunag noong Miyerkules matapos matanggap ang P400,000 entrapment money. Beh buti nga!
Teka nga pala, congrats muna sa promotion ni Torre sa pagka-two star general. Sa termino ni President Bongbong Marcos kapag nagtrabaho ka may premyo talaga. Mismooo!
Ayon kay Torre, nagpapakilalang pinsan ni First Lady si Cacho para makagantso ng milyones sa government projects, lalo na sa Private Motor Vehicle Inspection Center. Sumisingil siya ng application fee mula P800,000 hanggang P1 milyon sa emission testing ng Department of Transportation (DOTr).
Noong nakaraang Setyembre, may isang complainant na nag-advance ng P400,000 kay Cacho subalit hindi naman tinupad ng huli ang kanyang mga pangako. Hiniling na lang ng complainant na ibalik ni Cacho ang pera o mag-show proof of payments, sa pamamagitan ng kanilang mutual friends, subalit tumanggi ang suspect. Araguyyy!
Sinabi ni Torre na kasama sa raket ni Cacho ang appointment for sale. Dipugaaa! May pangarap ata si Cacho na maging milyonaryo ah. Ang sakit sa bangs nito!
Nitong first week ng buwan, kinontak ni Cacho ang complainant at sinabihan siya na sila’y magkita at mag-abot ng karagdagang P400,000 para mapabilis ang pag-aprub ng kanyang project.
Sa pananaliksik ng complainant, napatunayan niya na si Cacho ay walang koneksiyon sa DOTr. Sanamagan! Kaya ikinasa ng CIDG, Regional Special Operations Group 6, PNP Provincial Intelligence Unit at Sibunag municipal police ang entrapment operation laban kay Cacho.
Kasama ni Cacho na inaresto ay sina Cayetano Leal, at dalawang Coast Guard personnel na sina ASN Marwin Parpan at SN2 Rico Maylan. Nakumpiska kina Cacho at Leal ang P400,000 boodle money samantalang sina Parpan at Maylan ay nakuhaan ng tig-isang kalibre 45 pistol na walang dokumento mula sa Commission on Elections. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Malakas ang paniniwala ni Torre na marami pang taga-Guimaras ang naloko ni Cacho dahil ipinagmalaki niya na pinsan niya si First Lady. Subalit napatunayan lamang na hindi totoo ito dahil nasakote siya ng mga awtoridad at nakulong pa. Araguyyy!
Kaya nasisira ang pangalan ni First Lady dahil kung anu-anong akusasyon na ang ibinabato sa kanya na wala naman siyang kalam-alam. Ano pa nga ba? Sana sa pagkahuli kay Cacho, natuldukan na ni Torre ang ganitong klase na raket, na si First Lady ang nagdurusa. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Tinatawagan naman ni Torre ang iba pang nabiktima ni Cacho na lumutang at magsampa ng kaso kaban dito. Abangan!
- Latest