Pananalig
SA kuwebang nasa tabi ng ilog ay may naninirahang isang ermitanyo. Siya ay may matinding debosyon kay Lord Krishna. Regular siyang gumagawa ng ritwal na kung tawagin ay Sadhana. Ang kanyang layunin ng pagsasagawa ng Sadhana ay upang makalakad siya sa ibabaw ng tubig.
Ang tanging kinakain ng ermitanyo ay gatas ng baka na inirarasyon araw-araw ng isang batang babae.
Isang araw, ibinalita sa radyo na may darating na bagyo kinabukasan. Kaya noong umaga na nirasyunan ang ermitanyo, nagpaalam ang bata na hindi siya makakapagrasyon kinabukasan.
“Sigurado pong babaha bukas sa paligid ng kuweba ninyo kaya hindi muna ako makakapagrasyon ng gatas. Baka po ako malunod,” sabi ng bata.
“Hindi ka lulubog sa tubig at magkakaroon ka pa ng kakayahang makapaglakad sa ibabaw nito kung susundin mo ang ituturo ko sa iyo.”
“Puwede po akong lumakad sa tubig?”
“Bago ka tumapak sa tubig, pumikit ka at paulit-ulit mong usalin ang mantra na Krishna, Krishna, Krishna... habang naglalakad ka sa tubig.”
Kinabukasan, ganoon nga ang ginawa ng bata at sa buong pagtataka ng ermitanyo, ito ay nakalakad sa ibabaw ng tubig baha. Ang katotohanan, hindi sigurado ang ermitanyo kung tatalab ang mantra na itinuro niya sa bata.
Nainggit siya sa bata kaya sinubukan niyang mag-mantra at saka tumapak sa tubig. Sa kasamaang palad, ang ermitanyo ay lumubog sa tubig at nalunod.
Puro at dalisay ang pananalig ng bata samantalang ang ermitanyo ay may agam-agam kung magagawa niyang makapaglakad sa tubig o hindi.
- Latest