Mayang (137)
PINUNTAHAN nina Jeff sa ospital si Lolo Nado. Maayos na ang kalagayan ng matanda. Magaling na ang sugat sa ulo dahil sa pagpukpok ng puluhan ng baril ng tauhan ni Puri at Henry. Tinahi ang sugat. Maari na raw lumabas ang matanda pagkaraan ng tatlong araw.
“Magpagaling ka Lolo Nado. Paglabas mo rito sa ospital ay sa bahay ka muna ka titira. Mahirap kung mag-iisa ka sa kubo—matanda ka na at sa panahon ngayon ay maraming dumadaang kalamidad. Baka biglang umapaw ang Pola River ay madisgrasya ka,” sabi ni Jeff.
“Oo nga po Lolo Nado. Di ba noong nakaraang taon ay umapaw ang Pola River? Hindi ba inabot ang kubo?’’
“Malapit na—siguro mga limang hakbang na lang at aabot na ang baha.”
“O delikado talaga. Kaya sa bahay ka muna tumira. Kapag dadalaw ka sa puntod ni Lola Encar ay sasamahan ka namin ni Mayang.’’
Napangiti si Lolo Nado at napatangu-tango.
“Bibili ako ng pickup truck para mayroon tayong sasakyan patungo sa libingan ni Lola Encar. Okey Lolo?’’
“Okey!’’ sagot ni Lolo Nado na bakas sa mukha ang kaligayahan.
“Mabuti at nakauwi ka na Jeff,’’ tanong ni Lolo pagkaraan.
“Opo. Tamang-tama nga po na pag-uwi ko ay nangyari naman ang pagsalakay nina Henry at Puri sa bahay. Ikinuwento po ni Mayang na ikaw ang nagbantay sa pintuan para mapigilan ang mga tauhan nina Henry at Puri. Kung hindi sa’yo ay baka naging karumal-dumal ang nangyari.’’
“May itatanim silang dinamita sa may pintuan pero naagaw ko yun. Nilatigo ko sila ng bagin at nabitawan ang dinamita. Kung nasindihan nila ang dinamita, sasabog ang buong bahay at patay kami lahat.
“Dahil sa pag-agaw ko sa dinamita, pinalo ako ng puluhan ng baril sa ulo. Hindi ko matandaan kung mahaba o maikli ang baril. Nawalan ako ng malay!”
“Ang dinamita po, anong nangyari?’’
“Hindi ko na nalaman kung ano ang nangyari sa dinamita.”
Sumingit sa usapan si Mam Araceli.
“Kinuha ng mga tauhan ni Colonel Buenviaje. Iyon agad ang kanilang hinanap dahil nagbanta pala na talagang pasasabugin ang bahay.’’
Nakahinga nang maluwag si Jeff.
“Salamat sa ginawa mo Lolo. Napigilan ang mga tauhan ni Henry sa pagpapasabog sa bahay.”
“Dahil sa latigong bagin kaya nila binitawan ang dinamita!’’
“Mahusay talaga ang agimat mo Lolo.”
(Itutuloy)
- Latest