Mayang (136)
“NAPATAY ng mga pulis sina Henry at Puri dito mismo sa loob ng bahay. Mga SWAT ang bumaril sa dalawa. Kung hindi ginawa iyon, maaaring patay na kaming anak mo at si Mam Araceli,’’ pagkukuwento ni Mayang kay Jeff.
“Kailan nangyari ito, Mayang?’’
“Kahapon. Bigla kaming nilusob nina Puri at Henry at kanilang mga tauhan. Winasak nila ang pinto. Babarilin na ako ni Henry nang biglang may pumutok. Sapol sa ulo si Henry. Bumagsak at namatay noon din.
“Nang mapatay si Henry, nagkaroon ako ng lakas ng loob na agawin ang baril na hawak ni Puri. Nagpambuno kami. Naagaw ko ang baril sa kanya pero nang malingat ako, naagaw niyang muli at babarilin na ako at si Jeffmari pero nagpaputok ang SWAT at tinamaan si Puri sa katawan na kanyang ikinamatay.’’
Napailing-iling si Jeff sa ikinuwento ni Mayang.
“Kaya pala hindi ako mapakali habang nasa eroplano. Kung anu-ano ang naiisip ko. Yun pala, hino-hostage na kayo!’’
“Oo, Jeff. Akala ko katapusan na namin. Habang nakatutok ang baril ni Henry sa akin, walang tigil ang dasal ko.’’
“Salamat at nakaligtas kayo. Ngayon ay mapapanatag na tayo,’’ sabi ni Jeff at inakbayan si Mayang.
“Pero alam mo malaki rin ang naitulong ng agimat ni Lolo Nado. Parang natakot din sina Henry at Puri at hindi kami agarang binaril. Para bang may pumipigil sa kanila.’’
“Siyanga pala, kumusta si Lolo Nado?’’
“Malaki ang utang na loob namin kay Lolo. Kung hindi sa kanya, baka hinagisan o tinaniman kami ng bomba.”
“Bakit Mayang, narito ba si Lolo nang mangyari ang pangho-hostage?’’
“Oo. Sinamahan kami ni Lolo. Katunayan siya ang bantay sa pinto. Hindi agad nakapasok ang dalawang lalaki dahil kay Lolo. Gimamit ni Lolo ang bagin na latigo.’’
“Nasaan na si Lolo Nado?”
“Nasa ospital pa at nagpapagaling. Hinampas siya ng baril sa ulo.’’
“Dalawin natin siya, Mayang.’’
“Oo. Mamayang hapon puntahan natin. Bukas, ilalabas na natin siya.”
“Dito na muna natin siya patirahin. Napakabuti ni Lolo.”
(Itutuloy)
- Latest