EDITORYAL - Hamon sa bagong CEO ng PhilHealth

BAGO na ang pinuno ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa katauhan ni Dr. Edwin M. Mercado. Itinalaga siya ni President Ferdinand Marcos noong Martes. Pinalitan niya si Emmanuel R. Ledesma Jr., na hanggang ngayon ay misteryo kung nagbitiw ba ito o tinanggal sa puwesto.
Nagbitiw man o tinanggal si Ledesma, ang kontrobersiya sa ahensiya ay hindi na mabubura. Kabilang sa kontrobersiya ang tungkol sa P89.9 billion na sobrang pondo ng PhilHealth na inilipat sa national treasury. Nagkaroon ng senate inquiry ukol dito at nang pagpaliwanagin si Ledesma, hindi naging maganda ang kanyang sagot sa mga senador.
Napurga ng batikos si Ledesma ukol sa sobrang pondo at lalong lumala ang kontrobersiya nang madiskubre na naglaan ito ng P138 milyon para sa gaganaping selebrasyon ng PhilHealth para ngayong taon. Ang malaking halaga, ayon sa mga bumabatikos ay hindi makatwiran sapagkat maraming mamamayan ang may problema sa healthcare services.
Lumubha ang kontrobersiya nang bigyan ng Kongreso ang PhilHealth ng zero subsidy para sa 2025 budget. Maraming nanawagan sa pagbibitiw ni Ledesma at ng buong board ng PhilHealth. Ipinanawagan din na magkaroon ng digitalization system sa PhilHealth para mapigilan ang hindi maayos na paggastos ng pondo.
Ang panawagan para tanggalin si Ledesma ay nagkaroon ng katuparan nang biglang italaga ni Marcos Jr. si Mercado na CEO ng PhilHealth. Si Mercado ay US-trained orthopedic surgeon at may 35 taong karanasan sa hospital management. Nagtapos siya ng Doctor of Medicine sa University of the Philippines noong 1987 at may Master of Medical Sciences in Global Health Delivery sa Harvard Medical School noong 2003.
Mabigat ang nakaatang sa balikat ni Mercado bilang bagong Presidente ng PhilHealth lalo pa’t sinasabing nakaiwan ang dating pinuno nito ng deficit na mahigit P600 million at P1.13 trillion na bayarin sa insurance contract.
Sabi naman ni Mercado makaraang manumpa sa puwesto na una niyang sosolusyonan ay ang mga problema na aniya ay “sakit” sa ahensiya. Isa rin daw sa magiging prayoridad niya ang tungkol sa digitalization. Sa pamamagitan daw ng digital system, mapapadali ang claim processing at mababawasan ang katiwalian sa ahensiya.
Marami pa raw pagbabagong isasagawa si Mercado sa maeskandalong PhilHealth. Harinawa ay maisakatuparan niya ang mga ito upang mapakinabangan ng milyong Pilipino na umaasa sa PhilHealth. Ipakita niya na kakaiba siya sa mga naging pinuno ng PhilHealth.
- Latest