‘Backdoor’ ng Pinas gamit na daan sa mga ilegal na aktibidades
DAPAT na marahil gumawa na ng pag-aksyon ang pamahalaan na mahigpit na mabantayan ang ‘backdoor’ ng bansa laban sa mga ilegal na aktibidades.
Ito’y matapos na isiwalat ni Senator Raffy Tulfo na ginagamit umano ang ‘backdoor’ ng bansa ng mga illegal recruiter at human traffickers para ihatid ang mga Pilipino na pinangakuan ng trabaho sa ibang bansa.
Ayon pa kay Tulfo na posibleng ito rin ang rutang ginamit nang sinibak na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ng kanyang mga kasama para makatakas sa Pilipinas.
Maging ang mga OFWs na naaakit ng mga illegal recruiter na magtrabaho sa Europe kapalit ng P400,000 placement fee ay dito dumadaan.
Sinabi ni Tulfo na isang grupo ng mga OFWs ang lumapit sa kanyang opisina at boluntaryong nagkuwento kung paano sila iligal na na-recruit at naakit sa ganitong human trafficking scheme sa pamamagitan ng backdoor pass mula sa Pilipinas patungong Malaysia, Thailand, at kalaunan ay sa Europa.
Mapait ang kinasadlakan ng marami nating kababayan sa kamay ng mga illegal recruiter na ito, na ang ginagamit nga ay ang ‘backdoor’.
Marami na rin ang sumbong tungkol sa daanan na ito na ginagamit ng mga gustong pumalit para takasan ang batas.
Matagal nang nangyayari ito, pero walang nakikitang pag-aksyon dito ang pamahalaan.
Bakit nakakapuslit, wala bang nagbabantay sa ‘backdoor’ ng bansa?
Delikado ito dahil baka dumating ang oras na ito ang gamiting daan para makapasok ang ating mga kaaway.
- Latest