EDITORYAL - PNP, minamaliit ng Quiboloy camp
NI anino ng chosen son of God at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy ay hindi makita. Abril 3, 2024 nang mag-isyu ang Davao City court ng arrest warrant kay Quiboloy at limang iba pa. Noong Abril 11, 2024, nag-isyu rin ang Pasig City court ng arrest warrant laban kina Quiboloy. Si Quiboloy at mga kasama ay nahaharap sa kasong child abuse and qualified trafficking. May mga kaso rin sa United States na kinakaharap ang pastor. Isang miyembro pa lamang ang nadarakip makaraang mag-offer ng P10 milyon reward ang Departnent of Interior and Local Government (DILG) noong Mayo.
Mahina na ba ang intelligence gathering ng Philippine National Police (PNP) at hindi nila “maampoy” ang kinaroroonan ng pastor? Ginagawa kaya ng PNP ang lahat nang paraan para mahuli ang pastor at mga kasama? O hindi nagbubuhos ng sapat na atensiyon para matunton ang puganteng nagpakilalang chosen son of God?
Dahil sa kabiguan na makita si Quiboloy, sinibak ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang 15 pulis. Ayon kay Marbil, tatlong police commissioned officers at 12 police non-commissioned officers ang kinasuhan ng administratibo dahil sa kabiguan ng mga ito na maaresto si Quiboloy.
Habang hindi makita ng PNP si Quiboloy, nag-offer naman ng P20 milyon na reward ang mga miyembro ng KOJC sa makakapagbigay sa kanila ng impormasyon sa nagbigay ng donasyon na P10 milyon sa gobyerno. Ayon sa abogado ng KOJC, nais nilang malaman kung sino ang nasa likod ng pagbibigay ng P10-milyon kay DILG Secretary Benhur Abalos. Dapat daw nilang malaman dahil labag sa batas ang pagkakaloob ng reward mula sa pribadong tao.
Ibuhos ng PNP ang lahat ng kanilang pagsisikap para maaresto si Quiboloy upang hindi mapaghinalaang may pinapanigan sa pagpapatupad ng batas. Kapag ang huhulihin ay mga pipitsugin, mabilis pa sa alas kuwatro ang mga pulis kung salakayin ang tirahan ng mga inaakusahan. Animo’y susugod sa giyera na kumpleto ang armas at mga gamit. Bakit hindi ganito ang gawin sa pastor na minsan ay nagsalitang hindi siya pahuhuli nang buhay. Sa himig ng pananalita ay lalaban siya sa mga aaresto.
Isang malaking hamon sa PNP ang ginagawang pagtatago ni Quiboloy. Patunayan ng PNP na hindi lamang maliliit na pugante ang kaya nilang dakmain kundi pati na rin ang higante na tulad ni Quiboloy. Huwag hayaang maliitin ng pastor ang kanilang kakayahan.
- Latest