Imbestigasyon sa mga pekeng birth certificate dapat lang matutukan
PINATUTUTUKAN ni Senador Win Gatchalian sa National Bureau of Investigation (NBI) ang tungkol sa pag-iisyu ng pekeng birth certificates upang matiyak na ang mga sangkot sa naturang ilegal na gawain ay mananagot sa batas.
Aba’y talaga nga namang kaduda-duda ang ganitong gawain lalo na nang matukoy na nasa 1,051 late registrants mula 2016 hanggang 2023 na natagpuan sa Sta. Cruz sa Davao del Sur.
Baka nga hindi nag-iisa ang kontrobersiyal na si Alice Guo, kundi marami pa ang ganito na hindi lehitimong Pinoy eh nagagawang tumakbo para sa posisyon sa gobyerno.
Batay sa Ad-Hoc Fact-Finding Committee ng Office of the Mayor, sa 1,501 certificates of live births (COLB) na nasuri, 54 ang napag-alamang na-isyu sa mga umano’y dayuhan na walang mga magulang na Pilipino.
May matindi talagang pangangailangan para ito ma-validate nung husto.
Mistulang naabuso tayo ng mga taong nakapagpapalusot ng ganitong mga mahahalagang dokumento.
Ayon nga sa senador na ang birth certificate ay batayan ng pagiging isang Pilipino at ang mga dayuhan na nakakakuha ng birth certificates na nagsasabing sila ay Pinoy, ay nakakakuha rin ng Philippine passport, nakakakuha ng national ID, at nakakabili ng mga lupa.
Ayon sa imbestigasyon ng NBI, wala sa 102 indibidwal sa naturang bilang ang aktwal na naninirahan sa naturang lugar.
Dapat rin panagutin ang mga mismong Pinoy na kasabwat o may konek sa ganitong mga gawain.
- Latest