EDITORYAL - Malaki ang pondo sa flood control, baha lalong lumaki
NAPAKALAKI ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong 2024 na umabot sa P244 billion. Sa pondong ito kukunin ang para sa flood control and management projects sa buong bansa. Kasama na rito ang paglilinis sa mga estero at pag-declogging sa mga imburnal.
Pero nakapagtataka na sa laki ng budget ng DPWH na nakalaan sa flood control, patuloy ang nararanasang pagbaha lalo na sa Metro Manila. Lalo pang naging grabe ang baha na inaabot ng ilang araw bago tuluyang humupa.
Ang baha na nilikha ng habagat na pinalubha ng Bagyong Carina noong Hulyo 24 ay nararanasan pa hanggang ngayon sa ilang lugar sa Navotas, Malabon, Bulacan at Pampanga.
Hindi naman masasabing gumastos ang DPWH nang malaki para sa paglalagay ng pumping stations sa Valenzuela at Navotas. Katunayan, ang mga pumping stations ay dispalinghado sapagkat madaling masira. Ayon sa report, nabarahan nang maraming basura ang mga pumping stations kaya hindi gumana. Ayon sa DPWH, may 81 pumping stations sa Navotas at 32 naman sa Valenzuela.
Kung ganito kabilis masira ang pumping stations, dapat pagpaliwanagin ang mga contractor na gumawa ng mga iyon. Binayaran nang malaki mula sa buwis ng taumbayan ang pagtatayo ng pumping stations subalit madaling masira. May nangyayari bang “Milagro” rito?
Nadismaya si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III sa nangyaring pagbaha sa MM sa kabila na may malaking budget ang DPWH. Iminungkahi ni Pimentel na i-post online ang pangalan ng contractor para sa government flood control projects. Ito ay para magkaroon ng transparency at accountability. Kailangan daw malaman ng taumbayan kung sinong contractor ang nakakuha nang kapaki-pakinabang na flood control projects.
Sa pagtataya naman ni Sen. Joel Villanueva, sa laki ng budget para sa flood control projects, nagkakahalaga ito nang mahigit P1 billion araw-araw. Sabi naman ng ibang senador, bubusisiin nila nang maayos ang budget ng DPWH para sa 2025.
Ang DPWH ang may pinakamalaking budget sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan. Sa sobrang laki at dami, maaari nang lutasin ang lahat nang problema na nakaaapekto sa buhay ng mamamayang nagbabayad ng buwis. Pero nakalulungkot na sa paglaki ng budget ng DPWH na halos taun-taon ay tumataas, ganito rin kataas ang baha na nararanasan ng mamamayan. Kawawa ang mamamayan na nagbabayad ng tamang buwis pero kulang ang serbisyong hatid ng DPWH.
- Latest