^

Punto Mo

Mabubuhay ba ang Pinoy nang walang kanin?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ANG tanong na ito ay maaaring madali o masalimuot sagutin pero nagiging hamon ito ngayon sa mga Pinoy na mahilig o malakas kumain ng kanin. Lalo na pamahal nang pamahal sa kasalukuyan ang presyo ng bigas. Naglaho na nga sa maraming palengke ang klase ng bigas na dating nabibili ng P38 o P40 kada kilo. Nakagugulat ang mga price tag sa iba’t ibang klase ng mga tindang bigas na merong nagkakahalaga ng P50, P65 at P80 bawat kilo.

Lubhang masalimuot ang mga dahilan ng nakakapagtakang tila sobrang pagtaas ng presyo ng bigas. Sinasabing dahil ito sa nagdaang mga bagyo sa Pilipinas o kaya sa tagtuyot at kakulangan ng bigas sa ibang bansang binibilhan ng Pilipinas ng bigas, transportasyon, farmgate prices, at iba pang rason.

Pero sa kabila nito, walang gaanong maramdamang reklamo sa hanay ng mga Pinoy. Napakatahimik. Hindi na katulad ng nangyaring mga ingay  sa isyu ng sibuyas, ilang buwan na ang nakararaan, na ang sobrang pagtaas ng presyo ay naging tampulan ng mga kantiyaw, biruan, pagbatikos, katatawanan at intriga sa social media na maging ang mga Pilipinong nasa ibang bansa ay nakisawsaw  na rin sa gulo. 

Naglaho lang ang ingay nang magbabaan o makontrol o napigilan ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga sibuyas sa mga pamilihan. Pero sa tumataas na presyo ng bigas, wala ang ganitong ingay.

Meron nang naglilitawang iilang mga pasaring o hinaing o patutsada sa social media pero hindi pa ito umaabot sa antas na tulad ng nangyari noon sa usapin ng sibuyas.  Mahirap ding humusga  kung bukas-loob na lang na tinatanggap ng mga Pilipino ang nangyayari o wala na lang silang kibo na maaaring dahil wala rin silang magagawa  o dahil na rin sa nakasanayan na nila sa kanin na hindi maaaring mawala sa kanilang hapag-kainan araw-araw. Dinadala nga ng Pinoy kahit nasa ibang bansa siya ang hilig sa kanin.

Pero, dahil meron ding mga isyung pangkalusugan sa kanin na nakasasama sa katawan, marami rin namang Pinoy ang nagbabawas o tuluyang tumitigil sa pagkonsumo ng kanin. Naging napakahirap nito lalo na sa mga Pinoy na walang kakayahang makabili ng mga pagkaing alternatibo sa kanin na maaaring makabusog sa kanila.

Malabo na ang detalye sa alaala ko pero, sa pagkakatanda ko, nang magkaroon ng malaking krisis sa bigas sa Pilipinas noong dekada 70, isinulong ng pamahalaan ang paggamit at pagkain ng mais bilang alternatibo sa kanin o ang pagbebenta ng bigas na may halong mais.

Sana nagkaroon ng pag-aaral kung naging epektibo ba o ganap na tinanggap ng mga Pilipino noon ang ganitong paraan. Maaaring naibsan o natapos ang krisis sa bigas kaya hindi na nagpatuloy ang paggulong ng kilusan sa pagkonsumo ng mais bilang alternatibo sa kanin.

Wala pang lumalabas na datos sa epekto ng pagtaas ng presyo ng bigas sa mga restawran, fastfood outlet, canteen, karinderya, at iba pang mga kainan lalo na sa mga nag-aalok ng unli-rice at sa ibang mga negosyong ginagamitan ng bigas. May ilang nagtaas na ng singil sa kanin pero ang iba ay nananatili sa dating presyo na maaaring ang ginagamit nilang bigas ay nabili nila noong bago pa nagtaasan ang presyo nito.

May mga pagkilos naman ang pamahalaan para maharap ang kasalukuyang problema sa bigas. Sana nga ay makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo nito.  Kung hindi, malaking hamon ito lalo na sa mga ordinaryong Pinoy. Magagawa ba nilang magbawas o tumigil sa pagkonsumo ng kanin.

 

Email: [email protected]

vuukle comment

RICE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with