Wheelchair (101)
LINGID kay Jong, malapit na sa kinaroroonan niya si Tito Mon at ang dalawang lalaking sumusunod dito. Inabutan na ng dalawang lalaki si Tito Mon. Hinawakan ito sa dalawang kamay.
“Anong gagawin n’yo sa akin?’’ tanong ni Tito Mon.
“Huwag kang maingay, Tanda!’’
“Wala akong pera. Namamalimos lang ako.’’
“Hindi kami holdaper, Tanda. Hindi kami interesado sa pera mo kung meron man.’’
“Anong kailangan n’yo? Bitiwan n’yo ako!’’ Nagpipiglas si Tito Mon pero mahigpit ang pagkakahawak sa kanya ng dalawang lalaki.
“Huwag ka nang pumiglas! Baka tuluyan na kita!’’
“Anong kasalanan ko sa inyo?’’
“Hindi ikaw! ‘Yung pamangkin mo!’’
“Si Jong? Anong kasalanan ni Jong sa inyo?’’
“Hindi sa amin.’’
“Kanino?’’
“Sa bossing namin!’’
“Sinong bossing?’’
“Tumahimik ka!’’
Samantala, palapit nang palapit si Jong sa lugar. Masama ang kutob niya. Tinawagan niya si Pam at pinakiusapan na tumawag ng pulis.
“Sabihin mo may holdapan dito sa Laon-Laan!’’
“Oo Dex. Tatawag ako ng pulis. Mag-ingat ka.’’
Ipinagpatuloy ni Jong ang paglalakad.
Malapit na siya sa kinaroroonan ni Tito Mon.
(Itutuloy)
- Latest