EDITORYAL - Huwag pakialaman ang pension fund

KAPAG may popondohang proyekto o investment, laging ang pera ng pensioners ang balak kunin. Para bang pera ng mga nagpapanukala ang kukuning basta-basta. Ngayon, sa binabalak na sovereign wealth fund na tatawaging Maharlika fund, pera na naman ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ang balak kunin kabilang ang sa LandBank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP). At gagawin ang Maharlika fund na ito sa panahong ang bansa ay nakalubog sa P13.52 trilyon na utang.
Nakapagtataka kung bakit ang wealth fund na ito ang naisip ng mga mambabatas gayung wala namang pagkukunan nang siguradong pondo para rito at iaasa sa pera ng mga miyembro ng SSS at GSIS. Matagal pinag-ipunan ng mga miyembro ang kanilang pera at gagamitin lamang sa isang hindi siguradong investment.
Paano kung hindi magtagumpay ang Maharlika wealth fund? Paano kung nalugi ito? Paano ang perang inaasahan ng mahihirap na pensioners? Paano kung matuyo ang dalawang pension fund dahil ginamit na sa Maharlika?
Hindi makatwiran na pakialaman ang pera ng mga miyembro na matagal nilang pinag-ipunan. Sa kasalukuyan, maraming miyembro ng SSS ang nagkukumahog makautang dahil kailangang-kailangan nila sa pang-araw-araw na pamumuhay. Grabe ang epekto ng pandemya at ang SSS ang kanilang takbuhan para maka-loan. Ganyan din ang GSIS.
Ang balak na wealth fund ay posibleng maging ugat ng korapsiyon. Isang halimbawa ay ang nangyari sa Malaysia kung saan bumagsak ang 1Malaysia Development Berhad (1MDB) dahil kinurakot ng mga opisyal ang pondo partikular ang prime minister ng Malaysia. Pati First Lady doon, nakinabang sa pera.
Hindi dapat gamitin ang pera ng mga miyembro para isapalaran sa iba pang negosyo. Maghanap ng ibang paraan na hindi pakikialaman ang pera ng taumbayan. Huwag maging matayog ang imahinasyon sa isyung ito subalit hindi naman pinag-aaralan ang kahihinatnan. Nakakatakot pumasok sa ganitong wealth fund na ang mamamayan ang magdurusa sa dakong huli. Hindi ito simpleng investment lamang.
- Latest