Ang multo na nagpanerbiyos sa presidente
NAGING U.S. President si Truman mula 1945 hanggang 1953. Noon ay nasa bakasyon ang kanyang First Lady na si Bess Truman at anak na si Margie kaya nag-iisa lang sa kanyang bedroom ang presidente. Katabi ng silid nilang mag-asawa ang bedroom ng anak.
Nang gabing iyon dakong 9:00 p.m., nakahiga na ang presidente at patulog na sana. Kaso may istorbong kumatok nang malakas na tila may emergency. Dali-daling nagsuot ito ng robe at binuksan ang pintuan. Pero sa pagtataka niya, walang tao sa labas.
Lumipat siya sa bedroom ng anak ngunit wala ring tao. Iniwan niyang nakabukas ang bedroom ng anak at saka siya nagbalik sa sariling bedroom.
Ngunit ilang minuto lang ang nakalipas, narinig niya ang yabag sa kabilang bedroom ng anak. Lumabas siyang muli at pumasok sa bedroom ng anak. Wala talagang tao. Noon niya napagtanto na totoo ang tsismis na may nagmumulto sa White House.
Kinabukasan ng umaga, ipinatawag ng presidente ang Secret Service:
“May pumanhik bang guard at nag-check sa aking kuwarto ng 9:00 p.m.?”
“Mr. President, walang pumuntang guard sa mga oras na iyong binanggit at sa buong magdamag.”
Nagpadala siya ng liham sa pinagbabakasyunan ng anak at asawa na nagsasaad ng ganito:
“You and Margie had better come back and protect me before some of these ghosts carry me off.”
- Latest