Pinipilit na pumirma sa resignation letter, makatatanggap ba ng separation pay?
Dear Attorney,
Kahit po tinanggal kami sa trabaho dahil sobra na raw ang empleyado nila ay pinapapirma pa rin po kami ng resignation letter. Gusto ko pong malaman kung makakakuha pa ba kami ng separation pay kung pumirma kami ng resignation letter? —Andy
Dear Andy,
Hindi kayo dapat pinapipirma ng resignation letter kung ang pag-alis n’yo mula sa kompanya ay hindi n’yo naman kagustuhan at ito ay bunsod ng pagkakatanggal sa inyo dahil sa sobrang dami ng mga empleyado. Ang pagre-resign ay boluntaryo dapat sa empleyado kaya walang saysay ang pagpapapirma sa inyo ng resignation letter.
Dapat din ay bayaran kayo ng separation pay kung ang pagkakatanggal sa inyo ay dahil sa labis na dami ng mga empleyado. Bagama’t mas mainam pa rin kung hindi kayo pumirma sa resignation letter, hindi dapat makaapekto sa karapatan n’yong makatanggap ng separation pay kung sakali mang nakapirma na kayo. Hindi maaring gamitin ng inyong employer ang pirmadong resignation letter upang makaiwas sa pagbabayad ng separation pay dahil hindi naman totoo na kayo ay nag-resign, lalo na kung sapilitan naman ang pagpapapirma sa inyo nito.
Maari n’yong ireklamo ang inyong employer. Siguraduhin n’yo lang na may pruweba kayo na hindi talaga kayo nag-resign at ang totoo ay tinanggal lamang kayo dahil sobra na ang dami ng empleyado ng kompanya.
- Latest