^

Punto Mo

EDITORYAL - Bilangguan sa bawat rehiyon

Pang-masa
EDITORYAL - Bilangguan sa bawat rehiyon

SIKSIKAN sa mga bilangguan sa bansa lalo na sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa. Dahil sa pagsisiksikan, may oras ang pagtulog ng bawat inmates. Hindi puwedeng magsabay dahil hindi magkakasya sa selda. Marami rin ang nagkakahawahan ng sakit at namamatay. Kapag namatay ang bilanggo, itatambak na lang sa punerarya hanggang maging mummified. Hindi ito nasolusyunan ng mga naging Bureau of Correction (BuCor) chief kabilang ang suspendidong si Gerald Bantag na itinuturong “utak” sa Percy Lapid slay case.

Ang kapasidad lamang ng NBP ay 6,435 na bilanggo pero sa kasalukuyan, mayroong 29,204 na bilanggo ngayon doon. Masahol pa sa sardinas sa pagsisiksikan ang nararanasan ng mga bilanggo. Pilit na pinagkasya kaya naman marami rin ang nagsulputang problema. Ang iba ay hindi lamang ordinaryong problema—matinding problema sapagkat malagim ang nangyayari sa loob. Dahil sa dami ng bilanggo, hindi na nalalaman ng BuCor (o nagkukunwari lang) ang mga ginagawa ng inmates na sangkot sa pagpatay at nagpapasok ng illegal drugs at iba pa. Mismong sa loob pinaplano kung may itutumba. Mayroong middleman na nagsisilbing tagakontak ng hired killer. Gaya ng inmate na si Jun Villamor na kumontak kay Joel Escorial para iligpit si Lapid.

Dahil sa dami ng bilanggo, nagkaroon nang pagkakuwartahan ang mga corrupt na prison guard. Ang mga maykayang bilanggo ay pinasusuka ng cell phone at iba pang gadgets. Pinapayagan ng mga korap na guard na makapagpasok ng kontrabando—alak, drugs at kahit mga prostitute kapalit ng pera.

Ang pagsisiksikan sa NBP ang nagtulak kay BuCor acting director Gregorio Catapang Jr. para magplano na magtayo ng national prisons sa 17 rehiyon sa bansa. Kung maisasakatuparan ang mga bilangguan sa bawat rehiyon, mababawasan o baka wala na halos bilanggo sa NBP. Ito para kay Catapang ang pinakamagandang solusyon sa pagsisiksikan ng mga bilanggo sa NBP.

Maganda ang planong ito ni Catapang at dapat suportahan. Kung magkakaroon ng katuparan, siya ang kauna-unahang BuCor chief na nakagawa nang himala sa pambansang bilangguan. Matagal nang hinahangad na magkaroon nang maayos na bilangguan. Mangyari sana ang pangarap ni Catapang.

 

JAIL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with