Wheelchair (31)
“’YUNG ikinuwento mo na laging nang-aasar sa iyo sa klase at nagsabi na ikaw ang nagtutulak ng wheelchair?’’ tanong ni Tito Mon.
“Opo.’’
“Mukhang tama ang kutob ko na may mangyayari ngayon. Kaya ayaw kitang isama ngayon.’’
“Anong gagawin natin, Tito?’’
“Tumalikod ka. Iiwasan natin. Magtatago tayo. Hangga’t maiiwasan, iiwasan natin ang mga ganyang tao.’’
“Sige po Tito.’’
“Hindi pa naman siguro tayo nakikita ano?’’
“Malayo pa sila Tito. Palagay ko hindi pa. Pero halatang may hinahanap sila.’’
“Dun tayo muna sa Laong Laan magpapalimos. Ipasok mo diyan sa kalye na yan. Tagos ang kalyeng yan sa Laong-Laan.’’
Sinunod ni Jong si Tito Mon. Ipinasok niya sa kalye na mas makitid kaysa sa Dapitan. Pawang dormitoryo ang nasa kalye.
Nang makalabas sila sa kalyeng yun, Laong Laan na. Marami ring sasakyan. Pawang dyipni at trak.
“Ito ang Laong Laan. Mahaba ang kalyeng ito. Dito muna tayo. Palagay ko, hindi na tayo masusundan dito ng Bart na yun.’’
“Palagay ko nga Tito.’’
“Kapag nasundan pa tayo rito, dun naman tayo lilipat sa may Dangwa—tindahan ng mga bulaklak. Mapapagod ang Bart na yan sa paghahanap sa atin.’’
“Palagay ko wala na sila, Tito.’’
Pero mali ang hinala ni Jong dahil nasundan sila nina Bart.
(Itutuloy)
- Latest