^

Punto Mo

EDITORYAL - PS-DBM lusawin na!

Pang-masa
EDITORYAL - PS-DBM lusawin na!

MARAMING kontrobersiya ang Procurement Service of the Department of Budget and ­Management (PS-DBM). Pasang-krus sa pamahalaan dahil kinakaladkad sa mga hindi magagandang isyu. Panahon na para lusawin ang tanggapang ito upang hindi na madagdagan pa ang mga idinudulot na kahihiyan. Kapag nilusaw, makakatipid pa ang pamahalaan. Malaki ang budget ng PS-DBM kaysa ibang tanggapan ng gobyerno. Maaari namang gawin ang procurement kahit wala ang tanggapang ito.

Unang lumutang ang kontrobersiya sa PS-DBM noong nakaraang taon dahil sa maanomalyang COVID supply contract na ini-award sa Pharmally Pharmaceutical Corporation sa halagang P42-bilyon sa kabila na ang capital ng kompanya ay P625,000 lamang. Nadiin ang dating executive director ng PS-DBM na si Lloyd Christopher Lao at Michael Yang, dating presidential economic adviser ni ex-President Duterte. Anim na Pharmally officials ang sinampahan ng kaso. Nagkaroon ng imbestigasyon ang Senado subalit nawalang parang bula ang kaso. Nakalaya ang mga opisyal ng PS-DBM at Pharmally na ikinulong ng Senado.

Sangkot din ang PS-DBM sa mga mamahaling laptop na kanilang binili para sa Department of Education (DepEd) na gagamitin ng mga guro para sa distance learning noong nakaraang taon. Nagkakahalaga ng P2.4 bilyon ang mga laptops na ang bawat isa ay P58,300. Subalit natuklasan ng Commission on Audit (COA) na outdated na ang processors, mabagal mag-download at hindi uubra para sa online learning ang mga laptops.

Nabatid din ng COA na ang laptop ay nagkakahalaga lamang ng P35,046.50 bawat isa.

Pabor naman ang Senado na buwagin na ang PS-DBM. Sinabi ni Senate Minority leader Aquilino “Koko” Pimentel III na isang tagong departamento ang PS-DBM at hindi dumadaan sa kumpirmasyon ang mga pinuno nito. Bukod sa nakatago, lagi rin daw naghuhugas-kamay ang kalihim ng departamentong ito at ikinakaila ang mga tao niya kahit may mga nagawang kasalanan.

Hindi na dapat maulit pa ang mga nangyari sa PS-DBM at maiiwasan lamang ito kung lulusawin na ang tanggapan. Huwag nang maghintay na masangkot pang muli sa bagong kontrobersiya.

COVID-19

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with