^

Punto Mo

Bumabagsak na moralidad

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA buong Asya, ang ekonomiya ng Pilipinas ang pinakamalubhang tinamaan ng pandemya. Ramdam ito hindi lamang ng mga negosyante, kundi ng karaniwang mamamayang Pilipino. Nararanasan natin ngayon ang pinakamalubhang inflation: pataas nang pataas ang halaga ng bilihin at serbisyo, habang patuloy na bumabagsak ang halaga ng ating pera.

Pero para sa akin, ang higit na nakakabahala kaysa sa pagbagsak ng ekonomiya ay ang patuloy na pagbagsak ng ating moralidad na salalayan ng kaugnayan natin sa isa’t isa at pamantayan ng kung ano ang tinatanggap nating tama at karapat-dapat.

Maganda ang sinabi ni Mahatma Gandhi tungkol sa moralidad. Sabi niya, ang moralidad ang basehan ng mga bagay at ang katotohanan ang sustansya ng moralidad. Kaya alisin mo ang katotohanan at ang moralidad ay hihina hanggang sa tuluyang mamatay. Kung ang pagbabatayan ay ang dami ng mga kasinungalingan at paninira na mababasa sa social media, masasabi natin na ang ating moralidad ay naghihingalo na.  Dumami pa nang dumami ang mga trolls at vloggers na  may pare-parehong katangian—eksperto sa kasinungalingan, paninira sa kapwa, at paglapastangan sa magaganda nating kaugalian bilang mga Pilipinong may dangal.

Noong hindi pa uso ang social media, napakataas ng respeto natin sa mga yumao. Nang mamatay kamakailan si dating Presidente Fidel Ramos, kinilabutan ako sa ilang mga social media posts na aking nabasa. Pinaratangan siya ng mga kasalanang wala namang matibay na basehan. May ilan pang nagsabi na, “mabuti at namatay na si tabako.” S’yempre, ang nagpost ng mga ganitong uri ng mensahe ay hindi matutunton, sapagkat hindi totoo ang mga pagkakakilanlan o identity. Ito ang hirap sa social media, puro karapatan, walang pananagutan. Ito ang mahirap sa ilan sa atin, kung hindi mahuhuli, aabusuhin ang karapatan, sukdang mayurakan ang karapatan ng iba. 

Ang malungkot, hindi lamang social media ang kumakain ng kasinungalingan bilang almusal, pati na traditional media na tulad ng diyaryo, radio at TV. At ngayon, pati pelikula.  Isipin mong isang bagong pelikula ang nagpakita kay yumaong Presidente Cory Aquino na nagma-mahjong kasama ng mga madre, sa kasagsagan ng EDSA People’s Power Revolution noong 1986? Hindi lamang ito malayo sa katotohanan, kundi talagang walang katotohanan at matinding pagyurak sa dangal ng yumaong presidente, ng mga madre at ng diwa ng EDSA. Isa ito sa halimbawa ng pagbaluktot sa kasaysayan o tinatawag na historial revisionism.

Ang lalong malungkot, marami sa ating mga kababayan ang napapaniwala ng mga kasinungalingan na natutunghayan nila sa social at traditional media. Ang mga gumagawa nito, at silang mga naniniwala rito, ay tahasang lumalabag sa ika-9 na utos, “Huwag kang magsasabi ng kasinungalingan laban sa iyong kapwa.”  Kaya sa Diyos sila unang mananagot, naniniwala man sila o hindi na may Diyos.

Sinabi ni Hesus, “Malalaman ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Habang hindi tayo lumalaya sa katotohanan, alipin tayo ng kasinungalingan at pagkukunwari. Gaano kaya katagal bago tayo lumaya?  Maaaring magtagal, ngunit siguradong sa huli’y ang katotohanan ang mananaig. Sabi ni Martin Luther King, Jr, “Ako’y naniniwala na ang walang-armas na katotohanan at walang-kondisyong pag-ibig ang mananaig sa huli.  Ang katotohanang pansamantalang nagapi ay higit na malakas kaysa nagtagumpay na kasamaan.”     

COVID-19

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with