^

Punto Mo

Paniningil ng utang sa FB, bawal ba sa batas?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Noong nakaraang linggo, nag-post po ako sa Facebook tungkol sa utang ng aking kaibigan na hindi ko na mahagilap. Ang inilagay ko lang naman po sa post ay ‘yung halaga na hiniram niya at nagtanong lang ako kung kailan kaya niya mababayaran. Simpleng tanong lang po ang ginawa ko at hindi naman po ako galit doon sa post ko.  Binura ko na rin po post ko pagkatapos ng ilang araw dahil natakot po ako na baka ako pa ang masampahan ng reklamo. Gusto ko lang pong itanong kung labag ba sa batas yung ginawa ko o tama lang po ba ang ginawa ko na pagbura sa post ko? —Alvin

Dear Alvin,

Kung isang beses lang ang ginawa mong pagpo-post at simpleng pagtatanong lang naman ang nakasaad doon at wala itong bahid ng anumang hangarin na ipahiya ang pinatutungkulan ng post, hindi ko naman nakikita para maging labag ito sa batas.

Pero siyempre, nakadepende pa rin ito sa kung paano tinanggap ng kaibigan mo ang ginawa mong paniningil sa kanya sa pamamagitan ng pagpo-post sa Facebook.

Kung sa pananaw niya ay napahiya siya sa ginawa mong post, lalo na kung ito ay naka-public at kita ng ibang tao bukod sa inyong dalawa, wala namang makakapigil sa kanya para ikaw ay sampahan ng kaso katulad ng cyberlibel o unjust vexation.  May kasalanan ka man talaga o wala, sa ganyang pagkakataon ay wala ka nang magagawa kundi kumuha ng abogado upang ikaw ay makasagot ng maayos sa isinampang reklamo laban sa iyo.

Mabuti na rin ang ginawa mong pagbura sa iyong post dahil katulad ng sinabi ko, hindi mo naman kontrolado kung papaano tatanggapin ng tao ang ganyang mga klase ng post kahit gaano pa ang ingat mo sa iyong pananalita. Kung gusto mo talagang masingil ang iyong ipinahiram, mas mainam na padalhan mo na lang ng pormal na demand letter ang iyong kaibigan kaysa magsingilan kayo sa social media. Bukod sa makakaiwas ka na sa potensyal na demanda, magagamit mo pa ang ipinadala mong demand letter para sa pagsasampa ng reklamo kung naisipan mo ng dumulog sa korte upang mabawi ang ipinahiram mong halaga.

FACEBOOK

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with