EDITORYAL - Mag-ingat sa paghirang ng Agriculture secretary

TINITIPON na ni presumptive president Bongbong Marcos ang kanyang mga magiging Cabinet secretaries. Kamakalawa, pinangalanan na niya sina Rep. Boying Remulla na uupong Justice secretary, Bienvenido Laguesma sa DOLE at Arsenio Balisacan sa NEDA. Una na niyang hinirang si dating MMDA chairman Benhur Abalos para sa DILG. Napisil naman niya para sa Migrant Workers department si Toots Ople. Hahawakan naman ni presumptive vice president Sara Duterte ang Department of Education (DepEd).

Wala pa siyang binabanggit na hahawak sa Department of Agriculture. Dito sa tanggapang ito dapat mag-isip siya nang maraming beses kung sino ang iuupo. Pinakamahalaga ito dahil dito nakasalalay ang pagkain ng sambayanan. Hindi baleng matagal siyang pumili nang taong ipupuwesto basta mahusay, may karanasan at may talino sa sector ng agrikultura. Kapag nagkamali siya sa pagpili ng DA secretary, pawang imported na bigas, gulay, prutas, isda at karne ang babaha sa Inang Bayan.

Hindi ganito ang nais nang maraming Pilipino na angkat nang angkat ng agri products sa kabila na isang agrikultural na bansa ang Pilipinas. Malawak at mayaman sa lupa ang bansa kaya malaking kahihiyan na ang inihahain sa hapag ng bawat Pilipino ay kanin na produced sa China, Thailand at Vietnam. Nakakahiya rin na ang iniuulam sa kanin ay imported galunggong.

Noong nakaraang linggo, nakadidismaya ang sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na may napipinto umanong food crisis sa bansa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga ginagamit sa pagsasaka gaya ng fertilizer, insecticide at mga binhi. Pinalala rin umano ito ng pandemya at ang patuloy na pagtaas ng petroleum products at ang nagaganap na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Sinabi ni Dar na posibleng magkaroon ng food crisis sa ikalawang bahagi ng 2022.

Nakadagdag sa pagkadismaya ang sinabi naman ni Agriculture Undersectretary Fermin Adriano na na­ngangailangan ang bansa ng P30 bilyon hanggang P40 bilyon para sa sapat na suplay ng bigas. Binigyang babala ni Adriano ang administrasyon ni Marcos na magkakaroon ng kakapusan ng suplay ng bigas sa ikalawang bahagi ng taon.

Mismong sa Department of Agriculture pa nanggaling na magkakaroon ng krisis sa pagkain. Ano bang nangyayari sa DA? Dapat maging matalino at maingat si Marcos sa pagpili ng bagong Agriculture secretary. Pinakamahalaga ito sa lahat.

Advertising
Scroll to continue

 

Show comments