EDITORYAL - Healthcare workers patuloy ang pag-alis

PATULOY ang pangingibang bansa ng mga health­care workers. Ang mababang suweldo at di-ma­ibigay na benepisyo ang dahilan ng kanilang pag-alis. Mas may kinabukasan umano kung sa ibang bansa magtatrabaho.

Ang nangyayaring ito ay naghahatid ng pangamba­ sapagkat hindi pa nawawala ang COVID-19 sa bansa­. Bagama’t mababa na ang kaso, mayroon pa ring nag­kakasakit. Sa Metro Manila, umakyat sa 19 percent ang pagtaas. Pinangangambahan na tataas pa dahil sa katatapos na election.

Habang may agam-agam sa pagdami ng kaso ng COVID, nabalita naman ang bagong sakit na monkey­pox. May naitala na umanong kaso sa North America at Europe. Sintomas ng monkeypox ang pananakit ng ulo at kasu-kasuan at pagkakaroon ng kulane sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ayon sa Department of Health (DOH), mahigpit na binabantayan ang mga dayuhan na papasok sa bansa.

Hindi pa nawawala ang COVID ay mayroon na namang nakaambang sakit at ngayon pang maraming HCWs ang umaalis sa bansa para magtungo sa London at Middle East. Malaki ang inio-offer na sahod sa mga mag-aaplay sa Kuwait.

Sinabi ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) noong Biyernes na problemado ang ilang pribadong ospital dahil unti-unti nang nauubos ang kanilang nurses. Sabi ni PHAPI presi­dent Dr. Jose Rene de Grano, malaking problema ang pag-alis ng mga nurses sapagkat hindi na sila mapigilan sa pag-aaplay sa ibang bansa. Mayroon naman umano na lumilipat sa government facilities na mas malaki ang sahod kumpara sa pribadong ospital. Ayon kay De Grano, sinisikap nang tapatan ng mga pribadong ospital ang P33,000 na suweldo sa government hospital.

Sa Philippine General Hospital ay marami na ring umaalis na nurse para mag-abroad. Sabi ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, maraming­ nagre-resign ngayon kaya nananawagan siya sa mga bagong nars na mag-apply. Marami umanong ba­kante ngayon hindi lang sa ICU at operating room kundi pati sa mga ward.

Advertising
Scroll to continue

Malaking sahod at benepisyo ang dapat ibigay sa healthcare workers para hindi na sila mag-abroad pa. Hindi na nila hahangaring mangibang bansa kung sapat ang suweldo. Kung malaki ang kanilang suweldo rito bakit aalis pa?

Show comments