^

Punto Mo

Face mask huling pananda ng ­pandemya?  

Pang-masa

MARAHIL, sa mga naglaho nang panandang nakita at naranasan  natin sa mahigit dalawang taong  pandemya, huling natitira na lang ngayon  ang face mask. Ilan-ilan na lang ang mga pribado o pampublikong establisimiyento na pinag-aalkohol ang kamay ng mga pumapasok dito. Nababawasan ang mga lugar na naglalagay ng thermal scanner para sa kanilang mga bisita o kustomer o kliyente. Ang dating mga quarantine level tulad ng enhanced  community quarantine o modified community quarantine ay napalitan na lang ng alert level.

Tinanggal na ng mga tao ang face shield bagaman kailangan pa rin ito sa maraming ospital o klinika.  Pumalit sa quarantine pass ang vaccine card.  Nabaklas  na ang mga barikada o checkpoint sa mga kalsada na naglipana noong kasagsagan ng pandemya. Siksikan na naman ang mga pasahero sa mga jeepney at bus at ang mga nakikinig ng misa sa mga simbahan. Maaari nang kumain sa loob ng mga restawran at iba pang kainan. Tinatanggal na rin ang mga plastic barrier.

Muli na namang nakakapagpadala ng mga overseas Filipino worker sa ibang bansa. Pinapayagan nang pumasok sa bansa ang mga dayuhang turista. Nagbubukas na ng pinto ang ibang mga bansa sa mga dayuhan bagaman meron pa ring ipinapatupad na health protocol bilang pag-iingat. Dumarami ang mga negosyong muling nagbuSbukas at bumabawi sa pagkaluging gawa ng pandemya. Malaking tulong na milyun-milyong katao ang nagpabakuna laban sa coronavirus habang patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga pasyenteng nahawahan ng COVID-19.

Naging minimum na lang ang pagsunod sa mga health protocol. At nananatiling obligado ang mga tao na gumamit ng face mask dahil patuloy pa rin ang banta ng COVID lalo pa at may mga naglalabasang variant nito. Bukod dito, may mga pangambang  baka muling tumaas ang mga kaso ng COVID dahil sa malakihang mga rally at ibang mga pagtitipon na naganap sa panahon ng kampanya ng mga kandidato sa katatapos na eleksyon. Inaabangan ito ng mga kinauukulan sa susunod na ilang linggo.

Pero sinabi kamakailan ni Dr. Rontgene Solante mg Vaccine Expert Panel ng Department of Science and Technology sa isang Laging Handa online press briefing na maaari nang tanggalin ng publiko ang face mask kung mas mababa na sa 200 ang kaso ng COVID sa bansa.

Sinabi pa ni Solante na, kung magtutuluy-tuloy ang pagbaba ng kaso sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan ay posibleng hindi na maging mandatory ang face mask.

“Sa tingin ko, medyo mahaba-haba pa iyan. Let’s see in the next two to three months at kung talagang tuluy-tuloy na ang pagbaba ng kaso, like less than 200 ay most likely baka hindi na natin kailangan ang face mask,” ani Solante.

Malaking bagay aniya ang pagsusuot ng facemask sa pagkontrol sa pandemya  na naging mabisa upang hindi kumalat ang Omicron variant. Pinayuhan naman ni Solante ang susunod na administrasyon na ituloy lang ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon at paigtingin ang pagbabakuna.

Mahalaga rin aniya na palawakin ang mga healthcare facilities lalo na ang mga government facilities bilang paghahanda sa susunod na pandemya o sa anumang sumusulpot na infectious diseases.

• • • • • • •

Email: [email protected]

FACE MASK

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with