^

Punto Mo

Hangarin natin tagumpay ni BBM

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KAGULAT-GULAT ang naging resulta ng halalan sa pagka-presidente, hindi lamang basta tinalo ni BBM si VP Leni, kundi tinalo niya nang milya-milya. Wika nga ng isang political analyst, “tsunami” ang nangyari. May isang lalong pinatingkad ang nakaraang halalan—ang pagkakahati-hati nating mga Pilipino: pula vs rosas, Ilocano vs Bicolano, elitista vs masa, may diploma vs walang diploma.

Sapagkat ang campaign slogan ni BBM ay pagkakaisa, ito ang una kong hahanapin sa kanya, ang gagawin niyang seryosong mga hakbang upang maging totohanan ang slogan. Ngayon ay hindi na siya ang anak ng diktador, siya na ang ama ng mahigit sa 112 milyong Pilipino. Hindi madaling pagkaisahin ang mga Pilipino, ngunit ito ang talagang kailangan natin upang tayo’y sumulong bilang isang bansa.

Maging sa punto ng pananampalataya, bawat Kristiyano ay inaasahang gagawa tungo sa pagkakasundo. Ganito ang sabi ni Pablo sa 2 Corinto 5:18, “Lahat ng tao ay mula sa Diyos, at sa pamamagitan ni Kristo ay pinagkasundo tayo ng Diyos sa Kanyang sarili, at Siyang nagbigay sa amin ng paglilingkod tungo sa pakikipagkasundo.”

Ang matibay na pagkakasundo o pagkakaisa ay nakasalig sa katotohanan at katarungan. Ang unang hakbang na dapat gawin ni BBM kung talagang seryoso siya sa adhikain ng pagkakaisa ay kilalanin ang mga aral ng kasaysayan sa panahon ng batas militar ng kanyang ama, sa halip na tangkaing baguhin ang kasaysayan; ibalik sa gobyerno ang para sa gobyerno, tulad ng mga buwis na hindi binayaran at yamang hindi pinaghirapan; at sagutin ang mga tanong na iniwasan niyang sagutin noong panahon ng kampanya. Sabi ni Jay Weatherill, dating premier ng Australia, “Hindi mo makukuha ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga tanong na dapat harapin.”

Bilang pinakamataas na pinuno ng bansa, kailangang maipakita ni BBM na kaya niyang magpakababa upang abutin ang mga nakatunggali niya sa pulitika, ang mga taong minarkahan ng kanyang kampo na mga pulahan, at ang mga abang nasa laylayan ng lipunan. Hindi maaaring maging tagapagkasundo ang isang lider na hindi handang magpakababa. Sabi ni Hesus, “Sinumang nais maging una, siya’y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.”

Mahalaga ang papel na gagampanan ng Gabinete ni BBM at iba pang opisyales ng gobyerno na kanyang itatalaga tungo sa pambansang pagkakaisa. Hindi lamang katapatan sa kanya ang dapat maging batayan ng kanyang mga hihirangin, kundi ‘yong mga taong talagang magaling, walang bahid korapsyon, nagmula sa iba’t ibang rehiyon, at ang pagmamahal sa Pilipinas ay hindi matatawaran.

Idalangin natin si BBM na kasihan nawa siya ng Espiritu Santo upang siya’y gawing bago—bigyan ng bagong pananaw, bagong pangarap, bagong pinahahalagahan, bagong istilo ng pamumuhay, at  mga bagong kaibigan. Idalangin natin na sa biyaya ng Diyos ay mangyari sa kanya ang sinasabi sa 2 Corinto 5:17, “Kaya’t ang sinumang nakipag-isa na kay Kristo ay isa nang bagong nilikha.  Ang mga lumang bagay ay lumipas na. Masdan ninyo, ang lahat ay naging bago.”

Ibinoto si BBM ng nakararaming botanteng Pilipino. Ibinoto man natin siya o hindi, hangarin natin at idalangin ang kanyang tagumpay. Tayo’y nakasakay sa isang eroplano na siya ang piloto. Kapag siya’y nagkamali, mapapahamak tayong lahat. Kapag bumagsak ang sinasakyan nating eroplano, masasawi tayong lahat.

BONGBONG MARCOS

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with